ICC

Protective custody di na justified pag korte nag-utos isuko Bato sa ICC

66 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi na magiging makatwiran ang protective custody ng Senado kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kapag nag-utos ang korte sa Pilipinas na isuko siya sa International Criminal Court, habang hiniling naman ni Dela Rosa sa mga kasamahang nananawagan ng kanyang pagsuko na huwag siyang madaliin at payagan muna siyang gamitin ang natitira niyang legal remedies.

“Senate protective custody: legal or not, it cannot be justified anymore when a domestic court issues an order to surrender Senator de la Rosa to the jurisdiction of the ICC, unless the Supreme Court restrains or reverses the order,” ani Lacson sa X.

Sinabi ni Lacson na kailangan pa ring dalhin sa domestic court ang international warrant bago ito maipatupad sa Pilipinas.

“International warrant yan, bound tayo ng treaty pero kailangang bigyan natin ng pagpapahalaga ang domestic court. So may international warrant, kailangan dalhin muna natin sa local court na siyang mag-i-issue kung ano ang authorization or subsequent warrant of arrest para ipatupad ang arrest warrant na in-issue ng ICC,” sabi niya sa isang radio interview.

Sinabi rin ni Lacson na dapat gamitin ni Dela Rosa ang lahat ng legal remedies na available sa kanya.

Ayon kay Lacson, ang kanyang pagkaunawa sa Senate Resolution No. 395, na nilagdaan niya kasama sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Vicente “Tito” Sotto III, Senadora Risa Hontiveros at Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, ay dapat kusang sumuko si Dela Rosa matapos lamang niyang gamitin at maubos ang lahat ng judicial remedies at hindi makakuha ng judicial relief.

“My understanding of the proposed Senate resolution is for Sen. dela Rosa to voluntarily surrender after seeking and exhausting all judicial remedies but failing to get judicial relief. I will have this matter further clarified during the interpolation and amendment of the proposed resolution,” ani Lacson.

Sa pagresponde sa Resolution No. 395, sinabi ni Dela Rosa na hindi pa niya ito nababasa ngunit nakiusap siya sa mga nagtutulak nito na huwag siyang madaliin.

“Hindi ko pa nabasa. Pero kung ang meat niyan ay pag-surrender, makiusap rin ako sa kanila na huwag masyado kayong atat na atat na makulong ako,” ani Dela Rosa.

“Hintayin lang ninyo. Pabigyan lang niyo ako ng tsansa na i-avail yung remaining legal remedies na puwede kong i-avail. So, huwag din silang atat na atat,” dagdag niya.

Sinabi ni Dela Rosa na nalungkot siya sa panawagan dahil galing ito sa mga kapwa senador na matagal niyang nakatrabaho.

“Malungkot. Mga kasama natin yan eh. Matagal kami nagkasama sa Senado,” sabi niya.

Binanggit din ni Lacson ang kanyang sariling karanasan noong early 2010s, nang sinabi niyang nagtatago siya at umiiwas sa pag-aresto bilang “fugitive from injustice.”

Sinabi niyang noon ay nakasandig siya sa Miranda v. Tuliao, isang ruling ng Supreme Court na nagpapahintulot sa isang akusado na maghain ng ilang motion, tulad ng motion to quash a warrant of arrest, kahit hindi pa nasa kustodiya ng batas.

Ayon kay Lacson, napalitan na ang jurisprudence na iyon ng bagong Supreme Court ruling na naglilimita sa kaparehong mga karapatan na available sa kanya noon.

Sinabi niya na dapat gamitin ni Dela Rosa ang lahat ng legal remedies na available sa kanya habang kinikilala ang kapangyarihan ng mga korte sa Pilipinas sa anumang aksyong may kaugnayan sa ICC.