Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Proteksyon para sa IDPs pasado na sa Kamara

166 Views

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara Representantes ang panukala na titiyak na mabibigyan ng tulong pinansyal ang mga internally displaced persons (IDP) at ang paggamit ng human rights-based approach para maprotektahan ang kanilang mga karapatan.

Ang mga IDP ay ang mga indibidwal na napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan dahil sa gera, karahasan, clan war, paglabag sa karapatang pantao, ipatutupad na proyekto, at panganib na dulot ng kalikasan o gawa ng tao.

Ang pag-apruba sa House Bill No. 8269, na nakatanggap ng 212 pabor na boto at walang tutol, ay alinsunod umano sa nakasaad sa Konstitusyon, pamantayan na itinakda ng International Humanitarian Law, mga batas na nagbibigay ng proteksyon sa karapatang pantao, mga tratado at kasunduan na pinasok ng Pilipinas kasama na ang United Nations’ Guiding Principles on Internal Displacement (UNGPID).

“This proposed legislation seeks to guarantee the promotion and protection of the rights of the victims of and non-combatants in armed conflict in accordance with international humanitarian law, international customary law, international human rights laws, and domestic laws,” ani Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, at lider ng 312 miyembro ng Kamara.

“This bill is a testament of our commitment to champion human rights, particularly the protection of the welfare of internally displaced persons. It does not only enumerate the prohibited acts of arbitrary internal displacement, the bill also imposes penalties and ensures financial assistance to IDPs,” sabi pa ni Romualdez na kinatawan ng unang distrito ng Leyte.

Ilan sa may-akda ng panukala sina Reps. Bienvenido Abante, Yedda Marie K. Romualdez, Jude Acidre, Zia Alonto Adiong, Jaye Lacson Noel, Yasser Alonto Balindong, Gus Tambunting, Rufus Rodriguez, Reynante Arrogancia, Edward Vera Perez Maceda, Jose Maria Zubiri, Jr., Edcel Lagman, Jose Manuel Alba, Arjo Atayde, Raymond Democrito Mendoza, at Ron Salo.

Sa ilalim ng panukala ang arbitrary internal displacement ay ang pagpapalikas sa mga indibidwal ng hindi alinsunod sa batas, moralidad, kaayusan, at polisiya o ginawa gamit ang pangaabuso sa kapangyarihan, mapang-api, o pagbalewala sa karapatan ng mga residente, permanente man o pansamantalang nakatira sa lugar.

Ang panukala ay nagtatayo rin ng sistema para sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga IDP.

Ang Commission on Human Rights (CHR) ang inaatasan ng panukala na magbantay sa kondisyon ng mga IDP.

Itatayo rin sa ilalim ng panukala ang isang inter-agency coordinating committee na kapwa pamumunuan ng chairperson ng CHR at Executive Director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.