Segovia FEWABOMA president Desiree Segovia

Proteksyon sa karapatan ng mga kababaihan hirit ni Lapid

29 Views

SA PAGTATAPOS ng pagdiriwang ng Women’s Month, hinikayat ni Senador Lito Lapid ang mga kalalakihan na igalang at proteksyunan ang mga kababaihan mula sa pangaabuso at maltrato.

Si Lapid ay isa sa mga awtor ng Magna Carta of Women o Republic Act no. 9710 na nagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad, ligtas na espasyo, proteksyon at kagalingan ng mga Pinay.

Ginawa ni Lapid ang pahayag kasunod ng apela ng Federation of Women Associations in Boracay and Malay(FEWABOMA) na agad malutas ang kaso ng pagpatay at pang-abusong sekswal sa isang foreign tourist na si Michaela Mickova sa world’s famous island kamakailan.

Ayon kay Lapid, chairman ng Senate committee on tourism, dapat mabigyan ng hustisya ang Slovak national para mawala ang takot at pangamba ng mga dayuhan at lokal na turista na magtungo sa Boracay.

“Hangad po natin na mabilis ang aksyon ng kapulisan sa pagbibigay ng hustisya sa nasabing dayuhang turista na nagbabakasyon sa Boracay at walang awang pinatay ng ilang suspek. Nabalitaan po natin na may persons of interest na pero kelangan pa rin ang masusing imbestigasyon para malaman ang katotohanan sa karumal-dumal na krimen,” ayon kay Lapid

Nauna rito, nakipag-dayalogo kay Lapid ang mga kasapi ng FEWABOMA sa pamumuno ni Desiree Segovia sa Caticlan airport, Malay, Aklan nitong Huwebes.

Humingi rin ng tulong kay Lapid ang grupo para ipaabot kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na dagdagan ng seguridad sa pamosong isla upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, lalo na ang mga dayuhan ngayon panahon ng summer.

SA pagpapatuloy ng kampanya, naglibot si Lapid sa pamamagitan ng motorcades mula sa Antique, Iloilo hanggang Aklan nitong nakalipas na linggo.