Proteksyon sa mga may utang vs harassment malapit na maisabatas

140 Views

INAPRUBAHAN ng Senado sa huling pagbasa ang Senate Bill No. 1744 (Fair Debt Collection Practices Act) na layuning protektahan ang mga nangungutang laban sa pang-aabuso at harassment sa paniningil.

Naglalayon ang panukalang batas na magtakda ng malinaw na panuntunan para sa pagbabayad ng utang upang matiyak na ang sistema ng pananalapi sa bansa ay hindi nakadepende sa intimidasyon.

Sinabi ni Sen. Joel Villanueva, author ng bill, na nakatanggap ang Presidential Anti-Organized Crime Commission ng 47,144 na reklamo laban sa mga abusadong online lending application mula Agosto 2024 hanggang Enero 2026.

Batay sa datos ng National Privacy Commission, umabot sa 2,244 ang reklamo laban sa mga nasabing kumpanya mula 2018 hanggang 2025.

Karaniwan sa mga reklamo may kinalaman sa hindi awtorisadong paglalabas ng personal na impormasyon ng mga nangungutang.

Sa ilalim ng nasabing panukala, ipinagbabawal sa mga naniningil ang paggamit ng dahas, pagbabanta, bastos na pananalita o pagpapahiya sa publiko.

Ipinagbabawal din ang hindi awtorisadong paggamit ng personal na impormasyon at ang pakikipag-ugnayan sa mga employer o ibang taong walang kinalaman sa utang.

Hindi rin maaaring maningil ng anumang halaga na lalampas sa pangunahing obligasyon maliban na lamang kung ito ay nakasaad sa kasunduan.

Binigyang-diin ni Sen. Villanueva na ang batas ay hindi naglalayong hikayatin ang mga tao na takasan ang kanilang utang kundi para matiyak na legal ang proseso ng paniningil.

“This measure is not about encouraging people to evade their obligations.

However, I want to emphasize that while paying debt is an obligation, having debt is not a sin. Debt collection must remain lawful, fair, and humane,” dagdag niya.