Calendar
![Acidre](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Acidre-2.jpg)
PRRD nagbubulag-bulagan sa mga nangyayaring reporma sa gobyerno
TILA nagbubulag-bulagan o sadyang hindi lang tinatanggap ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na mas maayos ngayon ang kalagayan ng bansa kumpara noong kanyang panunungkulan dahil sa mga reporma at epektibong pamamahala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang bwelta ni House Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ng House quinta committee, o kilala rin bilang murang pagkain super committee ng Kamara de Representantes, sa naging pahayag kamakailan ni Duterte kaugnay sa presyo ng bigas, kung saan ipinagwawalang halaga umano ang mga konkretong hakbang na ginawa ng kasalukuyang administrasyon.
“Kung sa termino mo, former President Digong, walang nagawa para pababain ang presyo ng bigas, ’wag mong itulad sa kasalukuyang termino ni Presidente Marcos. May nagagawa, may ginagawa. Pero ikaw, puro ngawa,” ayon sa pahayag ni Acidre.
Ayon kay Acidre, opisyal nang idineklara ng Department of Agriculture (DA) ang isang food security emergency, na nagbibigay ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) na magpalabas ng hanggang 150,000 metriko toneladang buffer stock sa loob ng susunod na anim na buwan upang patatagin ang presyo ng bigas at matiyak ang abot-kayang halaga nito.
“This is not just another policy announcement—this is a nationwide mobilization of resources to bring down the price of rice,” ayon sa House lider. “At hindi ito puro pangako. May aktwal na ginagawa—may inilalabas na buffer stocks para mapigilan ang sobrang taas ng presyo.”
Alinsunod sa Republic Act (RA) 12078, isang amyenda sa Rice Tariffication Law, may awtoridad ang kalihim ng DA na magdeklara ng food security emergency kapag nagkaroon ng labis na pagtaas sa retail price ng bigas.
“Ibig sabihin, may legal na basehan ang aksyon na ito, at hindi ito bara-bara,” paliwanag ng kongresista. “May mekanismo para siguraduhin na may sapat na supply at hindi apektado ang ating lokal na magsasaka.”
Ipinunto pa niya ang patuloy na pagdinig ng House quinta committee, na masusing iniimbestigahan ang mga ugat ng pabago-bagong presyo ng pagkain, kabilang ang smuggling, hoarding at mga kakulangan sa merkado.
“The food crisis is not just about supply—it’s also about abuse in the system,” saad ni Acidre. “May mga negosyanteng nananamantala, may mga hoarders, may mga smuggler na sumisira sa ating food security. Kaya ang Quinta Comm ay nagsasagawa ng malawakang imbestigasyon para tugisin ang mga ito.”
Una ng inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na siyang nagsulong sa paglikha ng quinta committee na binubuo ng limang komite—ang ways and means, trade and industry, agriculture and food, social services at ang special committee on food security, na tiyakin sa masusing pagsusuri at bigyang tugon ang lahat ng aspekto ng krisis sa presyo ng pagkain.
“Hindi lang ito simpleng pagbaba ng presyo,” giit pa ng mambabatas. “May long-term vision tayo rito—hindi pwedeng taon-taon ganito tayo. Kasama sa iniimbestigahan ang mga smuggler at mga negosyanteng nagmamanipula ng presyo,” wika ni Acidre.
Ipinahayag ni Acidre na ang tugon ng gobyerno ay may komprehensibong pananaw—pinagsasabay ang pagpapanatili ng abot-kayang presyo at ang pangangalaga sa kabuhayan ng mga magsasaka.
“Hindi ito simpleng pagpapababa lang ng presyo at bahala na ang magsasaka,” paliwanag pa nito. “Kasama sa plano natin ang pagsuporta sa ating lokal na produksyon. May tulong sa irrigation, may pautang, may cold storage facilities, at may post-harvest investments para siguraduhin na ang ating mga magsasaka ay hindi nalulugi.”
Iginiit ng mambabatas na ang pangunahing layunin ay patatagin ang presyo ng bigas—hindi punuin ang merkado ng imported na bigas nang isinasakripisyo ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
“Sa ilalim ni Duterte, nagkaroon ng Rice Tariffication Law pero walang sapat na suporta sa mga magsasaka. Ngayon, iniiba natin ang direksyon. Hindi lang consumers ang iniisip, kundi pati ang lokal na agrikultura,” aniya.
Hayagan ding tinuligsa ni Acidre ang tangkang pagpulitika ni Duterte sa isyu. Aniya, “Ang pagkain, hindi dapat ginagawang pulitika. Ang presyo ng bigas ay problema ng lahat ng Pilipino—mula sa pinakamahirap hanggang sa gitnang klase. Ang kailangan natin ay aksyon, hindi sisihan.”
Binanatan din ng mambabatas ang kakulangan ng aksyon ni Duterte noong kanyang panunungkulan.
“Noong panahon mo, walang food security emergency declaration, walang konkretong solusyon sa presyo ng bigas. Tapos ngayon, ikaw pa ang matapang magsalita? Kung wala kang naitulong noon, ’wag kang humarang ngayon,” sabi ni Acidre.
Nanawagan ang mambabatas kay Duterte at sa kanyang mga kaalyado na magpokus sa konkretong solusyon sa halip na magbigay ng mga walang laman na pahayag.
“Duterte’s comments are not just misleading—they’re irresponsible. Sa halip na manduro, bakit hindi siya tumulong? Bakit hindi niya sabihin sa anak niyang si VP Sara Duterte na mag-focus sa pagtulong kaysa sa pakikipag-away sa Kongreso?” pahayag niya.
Hamon pa ni Acidre sa kampo ni Duterte: “Kung talagang may malasakit kayo sa bayan, tumulong na lang kayo. Kung wala kayong maitutulong, tumahimik na lang at harapin ang patung-patong na kaso laban sa inyo kabilang na ang impeachment at kaso sa International Criminal Court.”