BBM1

Public-private partnership gagamitin sa pagpapalakas ng healthcare sector

150 Views

BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng public-private partnerships sa pagpapaganda ng serbisyo ng healthcare sector ng bansa.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa groundbreaking ceremony ng St. Bernadette Children and Maternity Hospital sa San Jose del Monte, Bulacan.

“Kinakailangan natin ang suporta mula sa lahat ng panig ng lipunan sa pamahalaan, pribadong sektor, sa ating mga mamamayan upang magiging matagumpay tayo sa mithiing ito,” ani Pangulong Marcos.

“Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng malalakas na pangangatawan ng mamamayan, maitatatag natin ang isang progresibong Pilipinas, kung saan walang mapababayaan at walang maiiwan sa ating pagtahak tungo sa mas maginhawa, mas ligtas na pamumuhay sa darating na panahon,” sabi ng Pangulo.

Hinimok din ng Pangulo ang pribadong sektor at mga medical professional na suportahan ang healthcare program ng kanyang administrasyon.

“Hinihikayat ko ang pribadong sektor at ang propesyong medikal na suportahan at isulong ang mga programang pangkalusugan ng pamahalaan, tulad sa larangan ng serbisyong medikal at pamumuhunan sa imprastraktura pangkalusugan, lalo na sa mga malalayo at salat na komunidad,” dagdag pa nito.

Sinabi ng Pangulo na naniniwala ito na obligasyon ng pamahalaan na alagaan ang kalusugan ng kanyang mamamayan, upang maitaguyod ang kanilang mga sarili at ang kanilang pamilya, at para sa masiglang pagtakbo ng ekonomiya.

Pinuri rin ng Pangulo ang pagtatayo ng naturang ospital na maglalapit umano sa publiko ng serbisyong medikal.