Calendar
Publiko hinimok na panatiliin pagbabantay
NANAWAGANG si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa publiko na manatiling mapagbantay matapos pormal na magtipon ang Senado bilang impeachment court para sa proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, kasabay ng paghahambing niya sa maayos na proseso at sa tensyon at insidente ng putukan sa Senado noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Lacson na ipinakita ng pagtipon ng Senado bilang impeachment court ang malaking pagkakaiba sa kaguluhang bumalot sa mga nagdaang pangyayari sa Senado.
“The stark contrast between the smell of gunpowder last week and the breath of fresh air in the Senate yesterday was evident when we convened as an impeachment court after all the parliamentary procedures were strictly followed. May the public vigilance remain unabated,” sabi ni Lacson sa post sa X.
Nagtipon ang Senado bilang impeachment court matapos matanggap ang Articles of Impeachment mula sa House of Representatives.
Nanumpa si Senate President Alan Peter Cayetano bilang presiding officer ng impeachment court at pinanumpa rin niya ang mga senator-judge.
Naglabas ang impeachment court ng writ of summons laban kay Duterte, na nag-aatas sa kanya na magsumite ng kanyang sagot sa loob ng non-extendable period na 10 calendar days mula sa pagtanggap nito. Maaari namang magsumite ng reply ang prosecution sa loob ng limang calendar days mula sa pagtanggap ng sagot.
Dinala sa Senado ang Articles of Impeachment sa gitna ng tensyon kaugnay ng napaulat na posibleng pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa at ng kaguluhang nauwi sa insidente ng putukan sa loob ng Senate building.
Nauna nang sinabi ni Lacson na “arrogance of power, like impunity, has its limits,” kaugnay ng mga pangyayaring nauna sa impeachment court proceedings.
Inaasahang itatakda ng Senado ang pre-trial calendar matapos maisumite ang huling pleading, habang ang trial proper ay magsisimula sa petsa na itatakda ng impeachment court.

