Guadiz

Publiko inawat sa pagtangkilik sa kolorum TNVS

212 Views

NANAWAGAN ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa publiko laban sa pagtangkilik sa mga kolorum na ride-hailing apps na nag-o-operate gaya ng transport network vehicle service (TNVS).

Ayon kay LTFRB chairman Atty. Teofilo E. Guadiz III hindi nare-regulate ng gobyerno ang mga app na ito kaya hindi nakokontrol ang kanilang sinisingil na pasahe bukod pa sa panganib na hatid ng mga ito.

“The danger here is that if something bad happens, the public has no company to complain to, which is why I hope the public will stop using their services,” sabi ni Chairman Guadiz.

Tinukoy ni Chairman Guadiz ang dalawang app na ito na Maxim at InDrive. Ang dalawang kompanya ay ino-operate umano ng mga kompanya na nakabase sa Russia.

Sa InDrive, ang pamasahe ay idinidikta umano sa pamamagitan ng bidding at sa Maxim naman ay P10 ang flag-down rate at may singil kada kilometro ng biyahe at may opsyon ang pasahero na magbigay ng tip bago pa man ang serbisyo para mayroong kumuha ng kanyang booking.

“Since these apps are not licensed as TNCs, the requirements of financial capacity, terms and conditions of service, customer service, driver accreditation and training and other crucial requirements are not complied with. Hence, they are not authorized to offer transport services on their app,” ani Chairman Guadiz.

Wala tin umanong recruitment criteria ang mga drayber nito bukod pa sa hindi dumaan sa angkop na pagsasanay kaya maaaring magdala ng panganib sa buhay ng mga pasahero.

At dahil hindi nakarehistro, hindi ito nagbabayad ng buwis sa gobyerno.

Nakikipag-ugnayan na ang LTFRB sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapa-ban ang naturang mga app.

Nakikipagtulungan din ang LTFRB sa Land Transportation Office (LTO) para palakasin ang kampanya laban sa kolorum.