Calendar
Cassandra Li Ong
Publiko inudyok ireport agad kung may info sa kinaroroonan ni Ong
NANAWAGAN ang Malacañang nitong Martes sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Cassandra Li Ong, na nananatili pa rin sa bansa habang patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na siya ay mahanap.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na batay sa kanilang pinakabagong tala, nasa Pilipinas pa si Ong at kasalukuyang itinuturing na pugante matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kanya.
“Ang sabi po ay sa kasalukuyan, base sa kanilang records, nasa Pilipinas pa po si Ms. Cassandra Ong. At patuloy pa rin ang paghahanap sa kanya dahil siya po ay tinatawag na fugitive dahil may warrant of arrest na po,” aniya sa press briefing.
Hinimok ni Castro ang sinumang makakita kay Ong na agad makipag-ugnayan sa law enforcement agencies upang maisakatuparan ang pag-serve ng warrant.
“Kung sino man sa mga kababayan natin ang makakakita kay Cassandra Ong, ipagbigay-alam din po agad sa ating law enforcement agencies para magampanan din ang pagseserbisyo ng warrant of arrest sa kanya,” saad niya.
Nang tanungin kung gagawin din ng Malacañang ang panawagan ng DILG na kumuha ng larawan ng mga pugante gaya ni Ong, sinabi ni Castro na anumang uri ng tulong mula sa publiko ay makatutulong.
“Sa lahat ng mga pagkakataon, sa lahat ng maaaring gawing paraan, maliit o malaki na tulong, makakatulong po ‘yan sa gobyerno para maharap ang mga fugitive,” aniya.
Nag-aalok ang Department of Justice ng P1 milyon na gantimpala para sa impormasyon sa kinaroroonan ni Ong, isa sa mga pangunahing personalidad sa nakabinbing kasong human trafficking na may kaugnayan sa Philippine offshore gaming operation o POGO sa Gitnang Luzon.
PNA

