Pugante Screen grab mula Pasay Police video

Pugante dadalhin sa Crame, tumakbo, nasagasaan ng bus, dedo

Edd Reyes Feb 7, 2026
263 Views

HINDI na umabot ng buhay sa Camp Crame ang wanted na pugante nang mapisak matapos masagasaan ng pampasaherong bus sa Pasay City.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, hawak na ng mga awtoridad ang naka-posas na akusado at dadalhin na sana sa Camp Crame Sabado ng umaga nang biglang matatakbo para tumakas.

Subalit minalas ang pugante at nagulungan ng paparating na pampasaherong bus sa Domestic Road na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Sa naging pahayag ng ilang mga tauhan ng Highway Patrol Group sa Pasay police traffic investigator, may warrant of arrest na inilabas si Zamboanga City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Ruben G. Pajarito ng Branch 16 laban sa biktima sa hindi tinukoy na kaso.

Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga traffic investigator ng Pasay police at kumakalap na rin sila ng mga kuha ng CCTV sa lugar na makakatulong sa ginagawa nilang pagsisiyasat.