Calendar

Pulis, kawani ng city hall hihimukin ni Yorme Isko na ayusin ang Maynila
HIHIMUKIN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga unipormadong pulis, at mga nagpapatupad ng batas sa Maynila na tulungan siyang maipatupad ng husto ang kalinisan, kaayusan at kapayapaan sa lungsod.
Sinabi si Yorme Isko na hindi niya kayang balikating mag-isa ang hangaring maging ligtas, malinis, kaaya-aya at may kapanatagan ng loob ang taumbayan bagama’t tiniyak niya na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang tuparin ang mga ipinangako niya sa mamamayan ng Maynila.
Sinabi ng alkalde na ang ikalawang problema sa Maynila na kanyang lulutasin ay ang isyu ng peace and order lalu na’t lagpas na aniya sa bubungan ng bahay ang taas ng antas ng krimen sa lungsod, patunay na No.1 sa Southeast Asia ang mataas na index crime sa Maynila.
Aniya, pag-upong-pag-pagupo niya sa katanghalian ng Hunyo 30, sisimulan kaagad niya ang paglilinis at pagkalawit sa mga tolongges sa Maynila kaya payo niya sa mga ito, pati na sa mga nagpapakalat ng ilegal na droga, na lumayas at magpalit na sila ng address
Susuriin din aniya niya kung gumagana at napapakinabangan pa ang mga inilagay niyang mahigit 200 na CCTV cameras sa Maynila na malaki ang naitutulong upang mabawasan ang nagaganap na krimen.
Ipinahayag pa ng alkalde na bagama’t magastos ang kinakailangang pagpapatupad ng “minimum basic needs” tulad ng mga proyekto at programa sa pabahay, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at paglikha ng trabaho, tiniyak niya na kasama ito sa kanyang mga prayoridad na ipatutupad.
Ang pinakahuli aniya sa kanyang prayoridad ay ang pagpapalit ng mga kawani ng lokal na pamahalaan bagama’t inamin niya na may mga babaguhin at papalitan din siya sa ilang mga opisyal dahil batid niya na kailangan niya ng mga taong mapagakatiwalaan at makakatulong sa kanya sa maayos na pamamahala.
“Basta ang maipapangako ko sa taumbayan, pag-upo ko, umasa sila na may gobyerno sa Maynila sa araw, sa tanghali, sa hapon, sa gabi, hanggang sa madaling araw,” pagtiyak ni Yorme Isko.