Calendar
Pulis kinasuhan ng kidnapping with ransom
SINAMPAHAN na ng kaso ng mga pulis ang kabaro nila na sangkot umano sa pagdukot at paghingi ng ransom sa kanyang naging biktima sa Malabon City.
Inutos agad ni Northern Police District (NPD) director Police Brig. Gen. Rizalito Gapas kay Malabon police chief Col. Jay Baybayan na umaksyon agad para makasuhan ang suspek na nakilalang si alyas Noel.
Kasong kidnapping with ransom ang isinampa ng mga tauhan ni Col. Baybayan sa 39-anyos na pulis na may ranggong corporal at nakatalaga sa District Personnel Holding and Accounting Section ng Manila Police District (DPHAS-MPD) sa Malabon City Prosecutor’s Office.
Batay sa ulat, nangyari ang pagdukot ng suspek sa biktima noong Agosto 4, 2024 sa Kagitingan St., Brgy. Muzon, gamit ang kanyang gray na van (NEL-5298) kasabay ng paghingi ng ransom kapalit ng kalayaan ng biktima.
Nang makarating kay P/BGen. Gapas ang insidente, agad niyang iniutos kay Col. Baybayan na makipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) na dahilan upang matukoy nila ang pulis na nagmamay-ari ng van na ginamit sa krimen.
Sa follow-up operation nina Col. Baybayan, sa pakikipag-koordinasyon sa NPD Intelligence Division at Anti-Kidnappping Group (AKG), nadakip ang suspek na kinilala ng biktima at mga testigo na umano’y may kagagawan ng pag-kidnap.