Parak

Pulis vlogger na nag-viral sinibak ng Napolcom

Jun I Legaspi May 8, 2025
15 Views

PINAGTIBAY ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagkakasibak sa serbisyo ni Patrolman Francis Steve Fontillas.

Sina Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer (VCEO) Rafael Vicente Calinisan, Commissioners Josephus G. Angan, Beatrice Aurora Vega-Cancio, Ricardo Bernabe III at ang Office of the Chief PNP bilang ex-officio Commissioner ang nag-verify ng dismissal from service ni Fontillas.

Lahat bumoto pabor sa pagpapatalsik kay Fontillas.

Batay sa motu proprio imbestigasyon ng Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ng NAPOLCOM, kinasuhan ng Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer si Fontillas.

Sa deliberasyon, napatunayang nagkasala si Fontillas ng grave misconduct, conduct unbecoming of a police officer at disloyalty to the government.

Bukod sa pagpapatalsik sa serbisyo, pinarusahan pa ang pulis ng perpetual disqualification from public service.

“Ang pagbibitiw ni Fontillas hindi hadlang sa pagpapatuloy ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa kanya.

Dahil nasampahan na siya ng kaso bago ang kanyang pagbibitiw, hawak na ng NAPOLCOM ang hurisdiksyon sa kanyang katauhan.

Kaya’t hindi niya maaaring takasan ang pananagutan sa pamamagitan ng pagbibitiw,” pahayag ni Calinisan.

“Hangad naming tiyakin na ang ating mga pulis tapat na maglilingkod at magpoprotekta sa taumbayan.

Bagama’t mahalaga ang morale at kapakanan ng ating mga pulis, hindi tayo mangingiming kastiguhin ang mga tiwaling pulis na sumisira sa uniporme at tiwala ng publiko,” sabi ng Napolcom VCEO.

Binalaan rin niya ang mga pulis sa harap ng nalalapit na midterm elections.