Modus Kinakausap ni Police Lt. Col. John Guiagui ang naarestong suspek na nag-viral sa social media na namamalimos habang may hawak na ice pick sa Blumentritt, Sta. Cruz, Manila. JONJON REYES

‘Pulubing’ nanunutok ng ice pick kapag ayaw bigyan nahuli na

Jon-jon Reyes Feb 21, 2025
20 Views

ARESTADO noong Martes ang 23-anyos na lalaki na nag-viral sa social media na namamalimos habang may hawak na ice pick at sumasampa sa mga jeep sa Blumentritt, Sta. Cruz, Manila pero nanunutok sa mga pasahero kapag hindi binigyan ng pera.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel John Guiagui, hepe ng MPD-Intelligence Division, modus ng suspek na si alyas Joselito na pipiliin ang mga bibiktimahin na babae at manghihingi ng limos.

Kapag hindi binigyan kahit barya, doon na manunutok ng ice pick. Narekober ang ice pick ng suspek na ginagamit sa panunutok sa mga pasahero.

Ayon sa suspek, nanunutok siya para daw may maibigay na pera sa bago niyang nobya.

Nagpaalala si Manila Police District chief Police Brig. General Arnold Thomas Ibay sa publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya ang mga katulad na insidente upang maaksyunan.