Calendar

PUV, TNVS obligado ibigay 20% bawas pamasahe sa estudyante
NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng operator at driver ng pampublikong sasakyan at transport network vehicle service (TNVS) providers na “mandatory” ang pagbibigay ng 20 porsyentong diskwento sa pamasahe sa mga mag-aaral dahil nakasaad ito sa batas.
Bahagi ng “Balik-Eskwela” enforcement campaign ng Department of Transportation (DOTr) ang utos at sumusuporta sa pangkalahatang layunin ng administrasyong Marcos na bawasan ang gastos sa transportasyon ng mga pamilyang Pilipino.
Binigyang-diin ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na ang 20% student fare discount hindi opsyonal kaya dapat ibigay sa lahat ng regular na araw ng klase, kabilang ang summer classes.
Saklaw nito ang lahat ng jeepneys, bus, UV Express, taxi at TNVS units mapa cash o digital ang mode of payment.
Muling iginiit ni Guadiz na malinaw ang mandato at suportado ng batas ang polisiyang ito kaya’t nagbabala siya na ang sinumang driver o operator na hindi susunod na sila’y mapaparusahan.
Ang patakarang ito batay sa Republic Act No. 11314 o ang Student Fare Discount Act na naging batas noong 2019.
Ayon sa batas, ang unang beses na paglabag maaaring magmulta ang violator ng hanggang P5,000, habang ang paulit-ulit na paglabag maaaring humantong sa suspensyon o pagbawi ng prangkisa o permit, depende sa bigat ng paglabag.
Ang diskwento sa pamasahe para sa mga estudyante eksklusibong ipagkakaloob sa mga kasalukuyang naka-enroll sa basic education (mula elementarya hanggang senior high school), technical-vocational institutions, at kolehiyo o undergraduate university programs.
Gayunpaman, hindi ito saklaw ang mga graduate students o mga naka-enroll sa panandaliang non-degree programs.
Upang makuha ang diskwento, kinakailangang ipakita ng mga estudyante ang valid school ID o katibayan ng kasalukuyang enrollment bago sumakay sa sasakyan.
Nanawagan din si Chairperson Guadiz sa publiko na maging mapagmatyag at aktibong iulat ang mga paglabag.
“Hinihimok namin ang lahat ng operator at driver na sumunod, at nananawagan din kami sa publiko—lalo na sa mga estudyante at magulang—na maging mapagmasid.
I-report ang mga lumalabag sa LTFRB hotlines o sa LTFRB Citizen’s Complaint Center,” aniya.
Ipinahayag ng ahensya na nakikipagtulungan ito sa mga lokal na pamahalaan, paaralan, at transport cooperatives upang matiyak na maipapaabot ang direktiba sa lahat ng apektadong sektor.
Pinapurihan ng mga organisasyon ng mag-aaral at commuter groups ang hakbang ng LTFRB.
Ayon kay Miguel Santos, tagapagsalita ng Student Commuters Alliance, ang muling pagpapatupad ng kampanya napapanahon at mahalaga.
“Bawat piso mahalaga lalo na para sa mga estudyanteng araw-araw na nagko-commute.
Ang batas na ito umiiral upang protektahan ang kanilang mga karapatan, at masaya kami na seryoso ito ng LTFRB,” aniya.
Bilang bahagi ng enforcement efforts, inanunsyo ng LTFRB na magsasagawa ito ng random inspections at surveillance operations sa transport terminals at pangunahing ruta.