Skate

QC nagbukas ng skatepark, tennis courts

Jun I Legaspi May 7, 2026
23 Views

Skate1Skate2Skate3Skate4BINUKSAN sa Quezon City ang bagong skatepark at tennis courts sa Quezon Memorial Circle bilang bahagi ng pagpapalawak ng libre at accessible na espasyo para sa sports at recreation.

Ang bagong 3,758-square-meter skatepark ay malaking pamumuhunan para sa kabataan, aktibong pamumuhay at inklusibong pampublikong imprastruktura.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang proyekto ay sumasalamin sa pangako ng lungsod na magtayo ng mas ligtas, inklusibo, at future-ready na pampublikong espasyo kung saan maaaring umunlad ang mga komunidad.

“Nais natin na magkaroon ang ating kabataan ng ligtas at de-kalidad na espasyo kung saan sila maaaring maging aktibo,” sabi ni Mayor Belmonte.

Tampok sa skatepark ang street course na may rails, stairs, ledges, at iba pang teknikal na elemento; park-style bowl para sa advanced skating at high-performance runs; beginner-friendly areas na hiwalay sa advanced sections para sa ligtas na paggamit ng lahat ng skill levels; practice bowl para sa mga baguhan; 260-seat bleacher area para sa mga manonood; PWD-accessible ramps; upgraded drainage system; at lighting systems para sa gabi.

Obligado ang paggamit ng helmet, habang strongly encouraged ang elbow pads, knee pads, at wrist guards.

Binuksan din ng Quezon City ang mga bagong pampublikong tennis courts sa loob ng Circle, na higit pang nagpapatibay sa lugar bilang premier destination para sa athletics, wellness, at outdoor leisure.

Lahat ng gagamit ay kinakailangang magkumpleto at pumirma ng waiver bago makapasok.

Ang karagdagang iskedyul, guidelines, at applicable fees ay iaanunsyo sa mga opisyal na social media pages ng Quezon City Government sa mga susunod na linggo.