Defensor Ang regular ng pagtitipon ng mga senior citizens

QC public library gagawing 24 hours para ligtas mga kabataan sa pagkalulong sa online gaming

Mar Rodriguez Mar 14, 2022
335 Views

IPINAPANUKALA ni Quezon City Mayoral candidate at AnakKalusugan Party List Rep. Michael “Mike” T. Defensor na gawing 24 hours ang public library ng lungsod upang mailayo ang mga kabataan sa unti-unting pagkalulong sa iba’t-ibang uri bisyo.

Ito ang ipinabatid ni Quezon City Rep. Anthony Peter “Onyx” D. Crisologo sa harap ng mga Senior Citizens sa Veteran’s Village matapos mamahagi ng ayuda ang grupo ng Malayang QC.

Sinabi ni Crisologo na ang nasabing panukala ay isang konsesus o napagkasunduan ng kanilang grupo (Malayang QC) dahil unti-unting nalululong ang mga kabataan hindi lamang sa mga ipinagbabawal na gamot kundi maging sa mga “online gaming”.

Kasabay nito, inihayag din ni Crisologo na isa sa kanilangang maging programa ng QC Government ay ang magbigyan ng trabaho ang mga Senior Citizen’s na mayroon pang kakayahan para makapag-trabaho.

“Marami sa inyo kahit retired na eh mahalaga mayroon po tayong maibigay sa ating mga senior citizens. Ang ilan sa inyo ay mga talents, mayroon sa inyo ang magaling tumugtog, napi-piano, magaling sa gitara at ang ilan eh magaling sa art painting na puede niyong ituro sa ating mga kabataan,” ayon kay Crisologo.

Kabilang na dito ang part-time job sa QC Public Library. Naniniwala din ang mambabatas na may mga senior citizens ang may mga talento sa iba’t-ibang larangan kahit ang ilan sa kanila ay retirado na.

“Ang isa sa mga programa nina Cong. Mike, Coun. Winnie Castelo at ang inyong lingkod especially ng ating mga Konsehal kung sakaling sila ay mahahalal. Our City Government should hire our senior citizens, ang panukala namin lahat sa Malayang QC ay gawing 24 Hours ang City Library kasi nalululong sa online ang mga kabataan,” sabi ni Crisologo.

Ayon sa kongresista, hindi naman kailangan maging full time ang mga senior citizens sa ibibigay sa kanilang trabaho kundi ang makapag-trabaho lamang ng apat na oras para hindi sila umaasa sa kanilang pensiyon at sustento ng kani-kanilang pamilya.

“Hindi naman kailangan na buong araw na magta-trabaho ang ating mga senior citizens. Sapat na yung makapag-trabaho sila ng at least four hours, para lamang mayroon silang panggastos at pang-tustos sa kanilang mga pangangailangan. Para duon sila kukuha ng pambili nila ng gamot at iba pang needs nila,” dagdag pa ni Crisologo.