QC pumayag na may mag-rally sa Commonwealth Avenue

Anchit Masangcay Jul 23, 2022
236 Views

PUMAYAG ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na magsagawa ng rally sa Commonwealth Avenue ang grupong Bagong Alyansang Makabayan at mga kaalyado nito sa araw ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nabuo ang desisyon matapos na ipag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Department of Public Order and Safety na magsagawa ng dayalogo kaugnay ng aplikasyon ng Bayan na magsagawa ng kilos-protesta sa Batasan Road.

Nauna ng ibinasura ng DPOS ang hiling ng Bayan at sinabi na papayagan lamanga nga mg kilos-protesta sa mga freedom park.

Umapela ang Bayan kaya ipinag-utos ni Belmonte ang pagsasagawa ng dayalogo.

Batay sa napagkasunduan, papayagan ang mga raliyista sa Commonwealth Avenue (eastbound) hanggang sa kanto ng Tandang Sora Avenue.

Ang mga suporter naman ni Marcos ay papayagan na magsagawa ng programa sa IBP Road malapit sa Sinagtala Street, Barangay Batasan Hills.

Samantala, inanunsyo ng Quezon City government na suspendido ang mga klase sa lahat ng lebel sa lungsod sa Lunes kung kailan inaasahan na magiging mahirap ang pagko-commute.