Calendar
QC solon naghain ng resolusyon para sagipin naghihikahos na private schools dahil sa pandemya
IGINIGIIT ng isang Metro Manila solon sa pamahalaan ang pagkakaroon nito ng isang konkreto at agarang solusyon para sagipin ang ilang naghihikahos na “private schools” na isa sa lubhang naapektuhan sapul ng sumalanta ang salot na COVID-19 Pandemic.
Nagpahayag ng pagkabahala si Quezon City Rep. Alfred Vargas dahil ilang guro at mga kawani mula sa ilang pribadong paaralan ang nawalan ng trabaho o nagkaroon ng “retrenchment”. Habang ilang private schools naman ang napilitang nagsara dulot ng Pandemiya.
Dahil dito, isinulong ni Vargas ang isang House Resolution na naglalayong matulungan ang ilang private schools. Kabilang na dito ang mga guro, staff at ang mga estudyante na naapektuhan ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa peligrong dulot ng COVID-19 Pandemic.
Sinabi ng kongresista na ang pagsasara ng mga pribadong paaralan ay isang malaking kawalan at dagok. Hindi lamang para sa mga mag-aaral, kundi maging sa mga guro, staff at iba pang kawani sapagkat mayroon silang pamilyang binubuhay.
“Every private schools is a tragic loss to learning and should be treated with concern by the State with the same gravity and seriousness. It means wasted infrastructure and human capitol, uncertainty in the future of our teachers and educators,” ayon kay Vargas.
Binanggit din ng Metro Manila solon na alinsunod sa ulat ng UNICEF, na ang pangunahing naperwisyo o isa sa mga matinding sinalanta ng Pandemiya sa buong daigdig ay ang mga pribadong eskuwelahan. Lalo na ang mga tinatawag na “low-cost” private schools.
“According to UNICEF, only two million out of a former 4.3 million students in private schools had re-enrolled at the beginning of the pandemic in the Philippines,” sabi pa ng mambabatas.
Itinuturing naman ni Vargas bilang isang “educational crisis” ang kasalukuyang nakalulunos na kalagayan ngayon ng mga private schools dahil sa malaking oportunidad na nawawala para sa milyon-milyong Pilipinong mag-aaral na hindi makapasok sa kani-kanilang paaralan sa pamamagitan ng face-to-face class.
“I personally met with members of the Association of Private Schools Administrators (APSA) in Quezon City. Many of them voiced their fear that with the opening of face-to-face classes in public schools, there will be even be less concern for private schools from the Department of Education (DepEd),” dagdag pa ni Vargas.