QCPD

QCPD kinumpirma: Pulis sangkot sa rob-extortion, motornapping sa EDSA

18 Views

KINUMPIRMA ng Quezon City Police District (QCPD) na pulis ang isa mga sangkot umano’y robbery-extortion at motornapping sa Edsa Balintawak.

Sa isang statement sinabi ng QCPD na nangyari ang insidente bandang 7:00 PM noong Mayo 17, 2025, sa kahabaan ng EDSA Balintawak corner NLEX Cloverleaf Interchange, Barangay Unang Sigaw, Quezon City.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima, na kinilalang si alyas “Allan,” ay na-flag down ng mga suspek na sakay ng isang itim na Toyota Fortuner, sapilitang kinuha, pinosasan, at ninakawan ng pera, cellphone, at kanyang motorsiklo. Nagpakilala umano ang mga suspek bilang mga pulis, kung saan ang isa ay nakilalang unipormadong tauhan ng PNP na nakatalaga sa Northern Police District – District Personnel Holding and Accounting Section (NPD-DPHAS).

Bilang tugon, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang QCPD sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pakikipag-ugnayan sa Talipapa Police Station 3, NPD-DID, Caloocan CPS Sub-station 5, at MMDA. Isang suspek ang positibong natukoy at mahaharap sa kaukulang kasong kriminal at administratibo.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya pati na ang pagrereview sa CCTV footage sa kahabaan ng EDSA at mga kalapit na lugar upang matunton ang pagkakakilanlan ng mga suspek, matukoy ang mga posibleng kasabwat, at matukoy kung may iba pang biktima ng katulad na insidente.

Ayon sa QCPD hindi nito pinahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso, pangingikil, o maling pag-uugali na ginawa ng sinumang miyembro ng puwersa ng pulisya. Lubos naming sinusuportahan ang Regional Director, NCRPO, PMGen. Anthony Aberin sa kanyang hangarin na linisin ang hanay ng mga scalawags at itaguyod ang tiwala ng publiko. Tinitiyak namin sa publiko na ang kasong ito ay itutuloy nang may transparency, integridad, at buong pananagutan.