QCPD nalambat suspek sa pagpugot ng ulo ng sikyu noong Pasko huli

66 Views

NADAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa mga suspek na pumatay at pumugot ng ulo ng isang security guard ng Ford Balintawak habang naka-duty noong araw mismo ng Pasko noong nakaraang taon.

Kinilala ni PCol. Melecio M Buslig, Jr, Acting District Director ng QCPD, ang akusado na si Michael Caballero, 47, at kilala bilang Top 1 District Level Most Wanted Person. Siya ay isang sales driver na residente ng Barangay Balong-Bato, Quezon City.

Naaresto si Caballero noong ika-28 ng Oktubre, 2024, bandang 9 a.m. sa loob ng Branch 87, Regional Trial Court (RTC), Hall of Justice, Annex Building ng Quezon City Hall Complex, Barangay Central, Quezon City ng mga operatiba Kamuning Police Station 10 sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Leonie Ann Dela Cruz.

Si Caballero ay isa sa mga suspek sa pamamaslang sa security guard ng Ford Balintawak na si Alfredo Valderama Tabing, noong Disyembre 25, 2023 sa Quezon City.

Ayon sa ulat, nakatanggap ang mga tauhan ng Police Station 10 ng impormasyon na si Caballero ay nasa Quezon City Hall of Justice kasama ang kanyang abogado, para boluntaryong sumuko. Agad na kumilos ang mga operatiba at, sa pakikipag-ugnayan sa RTC Branch 87, kinumpirma ang presensya ni Caballero bago siya arestuhin sa bisa ng mga Warrant of Arrest na inisyu noong Setyembre 10, 2024.

Nahaharap si Caballero sa mga kasong Robbery with Homicide (Art. 294[1] ng Revised Penal Code) at paglabag sa Republic Act 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016, kung saan walang piyansang inirekomenda ang korte.

“Ang pagkakaaresto sa suspek na ito ay nagpapatunay na hindi kailanman makakapagtago sa batas ang mga gumagawa ng krimen. Kaya nananawagan kami sa isa pang suspek na sumuko na sya at harapin ang kasong naisampa laban sa kanya. Hindi titigil ang QCPD hanggang di naibibigay ang hustisya sa pamilya ng biktima,” ani PCol. Buslig Jr.