biktima

Quad Comm hangad na makamit hustisya para sa mga biktima ng EJK — Barbers

103 Views

NANGAKO ang Quad Comm ng Kamara de Representantes na nag-iimbestiga sa isyu ng extrajudicial killings (EJK), na makakamit ang hustisya para sa mga biktima at mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng administrasyong Duterte.

Ito ang tiniyak ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairperson ng komite, sa ika-walong pag-dinig ng Quad Comm kung saan dumalo ang ilan sa mga biktima ng EJK, kanilang pamilya at iba pang testigo na nais ilahad ang kanilang mga mapait na sinapit.

“Sa ating mga kababayan sa lahat ng dako ng daigdig, hindi po natutulog ang hustisya. Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya upang magampanan ang aming tungkulin bilang mga mambabatas. Ipaglalaban namin ang lahat ng ating mga karapatan. Karapatang mabuhay ng tahimik, walang takot, malaya, at may dignidad,” sabi niya.

“We will continue to hear your stories, seek out justice and truth, and fight for your rights, in the face of threats to suppress them. Together we fight for dignity and honor. We can only craft protection if we know the truth. Those who violated our laws should be brought to justice,” saad ni Barbers na siya ring chairman ng Committee on dangerous drugs.

Ayon kay Barbers ang House of the People ay bukas sa mga biktima, pamilya o sinomang saksi na nais ilahad ang kanilang mga karanasan mula sa kamay ng mga mapagsamantalang alagad ng batas na nagpatupad sa malagim na war on drugs ng nakaraang administrasyon.

“Mga minamahal naming mga kababayan, ano man po ang hadlang na itatapon sa amin, mananatili kaming tapat sa inyo. Makaka-asa kayo na patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin. Mananatiling bukas ang aming mga pintuan para sa inyo dito sa…House of the People,” dagdag niya.

Ayon kay Barbers nagsilbing inspirasyon sa pagharap ng mga saksi ang pagkakatuklas ng tunay na motibo sa pagpatay kay PCSO Board Secretary Wesley Barayuga upang hindi na ito muling mangyari.

Dagdag pa niya, ilalatag ng mga testigo ang malagim at mapait nilang karanasan nang walang takot matapos na mabigyan ng bagong pag-asa at sa tulong ng Quad Comm ay makamit ang hustisya na naging mailap sa kanila sa maraming taon.

“Sa lahat po ng aming ginagawa, wala kaming gustong sirain at wakasan kundi ang pang aabuso sa kapangyarihan, ang pagmamalabis, ang panloloko at pagsasamantala ng mga dayuhan, pagnanakaw sa kaban ng bayan, pananakot, at pagpatay ng walang katwiran o pagsasa alang-alang sa karapatang-pantao kapalit ng pangakong salapi, promosyon sa posisyon, o pagbabalik sa serbisyo,” giit niya.

Sabi pa ni Barbers na ang mga pangako at pabuyang alok ay nakasira sa maraming institusyon, dangal, paniniwala, pananampalataya at respeto sa buhay ng tao na naging kanser aniya ng lipunan.

“Ang mga pangakong ito at pabuya ang sumira ng mga institusyon, paninindigan, dangal, paniniwala sa Diyos, relihiyon, pagpapa halaga sa kapwa at sa halaga ng buhay, sa mga pamilya, at nagpatibay ng maling paniniwala ng mga sangkot sa karumal dumal na krimeng ito na ang kanilang ginawa ay tama at ang kanilang pabuyang natanggap ay kanilang premyo sa pagsunod sa mga utos ng nakatataas,” sabi niya.

“Isang matinding kanser ng lipunan ang nangyari. Marami sa mga sangkot ay nagkamal ng limpak-limpak sa salapi na sya ngayon nilang ginagamit upang patuloy na takutin ang mga biktima, na para bagang walang katapusang kasamaan ang hanggang ngayon ay namamayani at naghahari sa ating bayan,” saad pa niya.

Binigyang diin ng lead Quad Comm Cair na binibigyang kapangyarihan ng Saligang Batas ang Kongreso sa pagsasagawa ng pagsisiyasat in aid of legislation upang makatulong sa pagbuo o pag-amyenda ng mga batas.

“Para sa kaalaman ng lahat, mismong ang ating Saligang Batas o Konstitusyon ang nagbigay ng kapangyarihan sa Kongreso na mag-imbestiga upang bumalangkas ng mga batas na magbibigay proteksyon sa mga mamamayan laban sa mga masasamang gawain gaya ng mga nakita at napatunayan natin sa mga nakalipas na pandinig,” sabi pa niya

Bagamat itinanggi na ng mga sangkot sa EJK na kumita sila sa naturang ligal na aktibidad, lumalabas na kumuha sila ng serbisyo ng high-profile na mga abogado na mahal ang singil.

“Habang patuloy sila sa pagtanggi na sila ay kumita ng limpak limpak, patuloy naman sila sa pag kuha ng serbisyo ng mga abogado na limpak limpak din kung maningil. Paano nila nababayaran ang mga sangkatutak na abogadong ito. Sila na rin ang nagpa sinungaling sa kanilang mga sinabi rito,” aniya pa