Dionisio Manila Rep. Ernix Dionisio

Quad Comm hearings isang pagkakataon para linisin ni Duterte ang kanyang pangalan

110 Views

DAPAT ituring ng dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang kasalukuyang pagdinig ng quad committee ng Kamara bilang isang pagkakataon para linisin ang kanyang reputasyon, lalo na ngayon na ang kanyang nakaraang administrasyon ay nasa ilalim ng pagsusuri dahil sa madugong kampanya laban sa droga.

Ito ang inihayag noong Miyerkules ni Manila Rep. Ernix Dionisio, isang abogado at miyembro ng Young Guns ng Kamara.

“It’s a chance for Duterte to solidify his legacy by showing he values truth and transparency, potentially gaining respect for addressing challenging questions head-on,” ayon kay Dionisio.

“The people expect responsible leadership. This shows that they see truth and integrity as essential traits for leaders, past and present. The former president is not exempt from this expectation,” dagdag pa ni Dionisio.

Bagama’t sinagot ni Duterte ang mga tanong tungkol sa kanyang kontrobersyal na kampanya laban sa iligal na droga sa pagharap nito sa Senate Blue Ribbon committee noong Oktubre 28, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makaharap ang mga pangunahing saksi tulad ng dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Royina Garma.

Si Garma, isang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP), ay nag-akusa kay Duterte na nanguna sa pagpapalawak ng tinaguriang “Davao model” sa buong bansa noong Mayo 2016, na nag-udyok sa pagpatay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga kapalit ng pabuya.

Ayon sa kanyang salaysay, ang mga reward money para sa mga napapatay sa kampanya laban sa droga sa ilalim ni Duterte ay mula P20,000 para sa mga suspek sa kalsada, hanggang P1 milyon para sa mga “chemist, trader, manufacturer, financier, at ninja cop.”