Rep. Robert Ace Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

Quad Comm inimbitahan DU30 na dumalo sa EJK probe

86 Views

NAGPADALA ng imbitasyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang quad committee ng Kamara de Representantes na nag-iimbestiga sa mga kaso ng extrajudicial killings (EJK) nang ipatupad ang war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Ang imbitasyon ay may petsang Oktubre 18, 2024, at pirmado ni House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers, ang overall chair ng quad committee.

Iniimpormahan ng imbitasyon si Duterte kaugnay ng isasagawang pagdinig alas-9:30 ng umaga sa Oktubre 22 sa People’s Center Building ng Kamara sa Batasan Complex, Batasan Hills, Quezon City.

“In this regard, the Joint Committee respectfully invites you to attend the said inquiry to provide valuable insights and shed light on the issues under discussion particularly on extra-judicial killings,” sabi ng imbitasyon.

Nauna ng sinabi ni Duterte na siya ay dadalo sa pagdinig ng Kamara.

Hindi naman dumalo si Duterte sa mga naunang pagdinig ng komite.