Barbers Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers

Quad comm isasapinal ‘progress report’ sa imbestigasyon bago ang Xmas recess

Mar Rodriguez Dec 8, 2024
100 Views

TARGET ng House quad committee na ipresenta sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang paunang ulat nito kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa isyu ng iligal na droga at koneksyon nito sa iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at extrajudicial killings (EJK) noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa overall chairperson ng komite na si Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, iaakyat ng komite ang report nito bago ang Christmas recess ng Kongreso na magsisimula sa Disyembre 21.

Isusumite aniya ng quad comm ang “progress report” upang maaksyunan na ang ilan sa mga panukalang batas na kanilang inihain bunga ng isinasagawang imbestigasyon.

“The reason kasi why we will submit this in the plenary ‘yong progress report, kasi there are things na dapat maaksiyunan na kaagad,” sabi niya.

Maaari aniyang imungkahi ng plenaryo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maisama ang mga panukala na ito sa priority legislative agenda, o mas maganda ay masertipikahan bilang urgent upang mapabilis ang pag-apruba ng Kongreso at maging batas.

“Halimabawa no ‘yong mga proposed legislation na ifinile namin no, we are hoping na because this is the output of quad comm…eh dapat siguro kung pupuwede maisama sa legislative agenda ng ating Pangulo or baka suwertehin pa tayo, ma-certify as urgent ‘yong bill no nang sa ganoon ‘yong counterpart naman sa Senate ay gumawa din at kumilos din. So basically, this is the intention of the progress report, para ma-dispose na namin ‘yan,” diin pa ni Barbers.

Ani Barbers, may apat na panukalang pag-amyendang itinutulak ang quad comm.

“Importante ‘yan kasi, if I’m not mistaken, mayroon kaming mga apat na proposed legislation na diyan tungkol sa amendments to the Republic Act No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002,” ani Barbers.

“So maaaring ma-consider din ito bilang priority legislation. So sana, this is what we are hoping for na once the plenary at majority of the members agree and vote in support of this report, then perhaps it will give a signal that this should be included in the legislative agenda of our President,” dagdag pa nito.

Kabilang sa mga panukala ng quad comm ang pagturing sa EJK bilang heinous crime at pagpapataw ng pinakamabigat na parusa, at ang pagbuo ng isang inter-agency government committee sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa pagsasagawa ng administrative proceeding upang kanselahin ang mga kuwestyunableng birth certificates.

Lumalabas sa imbestigasyon na mayroong Chinese nationals na nakakuha ng pekeng Philippine birth certificate na kanilang ginamit upang makapagtayo ng mga korporasyon na ginamit sa pagbili ng mga lupain. \

Isa na rito ang lupa na pinagtayuan ng warehouse sa Barangay San Jose, Malino, Mexico, Pampanga, kung saan narekober ang P3.6-bilyong halaga ng imported na shabu noong Setyembre 2023.

Kasama din ani Barbers sa progress report ang rekomendasyon na maghain ng reklamo laban sa mga sangkot sa iligal na droga, POGO at EJK, at para sa mga ahensya ng pamahalaan na kasuhan ang mga ito.

“Mayroon tayong nirerekomenda diyan based on testimonial evidence and documentary evidence. Eh nakita namin na siguro it’s high time that we report this out and let the appropriate agency conduct further investigation on EJK, mayroon din sa POGO and drugs,” saad pa ni Barbers.

Nilinaw naman ni Barbers na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng komite kahit na nakapagsumite na ito ng progress report.

Ayon sa mambabatas, plano rin ng komite na tapusin na ang pagtalakay sa isyu ng iligal na POGO upang mapagtuunan ang usapin ng iligal na droga at EJK.

“We are thinking of already terminating ‘yong hearing namin sa POGO, so tututok na lang tayo sa dalawang usapin no ‘yong EJK at saka ‘yong drugs,” saad pa nito.

Nang tanungin kung muling iimbitahan ng komite si dating Pangulong Duterte, tugon ni Barbers, “No need na siguro, because ‘yong 12-13 hours na meeting natin sa kanya basically ‘yun na ‘yong gusto nating marinig, a little more than what he revealed or what he admitted in the Senate. So sa tingin ko sufficient na ‘yon.”