Quad Ang panukalang Civil Forfeiture Act ay inihain nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.; Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez; at mga pinuno ng Quad Committee na sina Reps. Robert Ace Barbers, Dan Fernandez, Bienvenido “Benny” Abante Jr., at Joseph Stephen Paduano. Kabilang din sa mga may akda ng panukalang batas sina Quad Comm senior vice chair Romeo Acop at mga mambabatas na sina Johnny Ty Pimentel, Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez, Francisco Paolo Ortega V, Jefferson Khonghun, at Jonathan Keith Flores.

Quad Comm itinulak panukala upang makumpiska ng gobyerno ari-arian na iligal na binili ng mga dayuhan

34 Views

INIHAIN sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa gobyerno na kumpiskahin ang mga ari-arian na ilegal na nabili ng mga dayuhan, gaya ng mga ari-arian ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ang House Bill (HB) No. 11043 o ang “Civil Forfeiture Act,” ay resulta ng imbestigasyon ng House Quad Comm sa mga umano’y kriminal na aktibidad kaugnay ng operasyon ng POGO, tulad ng human trafficking at kalakalan ng ilegal na droga.

Ang panukalang batas ay inihain nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.; Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez; at mga pinuno ng Quad Committee na sina Reps. Robert Ace Barbers, Dan Fernandez, Bienvenido “Benny” Abante Jr., at Joseph Stephen Paduano.

Kabilang din sa mga may-akda ng panukalang batas sina Quad Comm senior vice chair Romeo Acop at mga mambabatas na sina Johnny Ty Pimentel, Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez, Francisco Paolo Ortega V, Jefferson Khonghun, at Jonathan Keith Flores.

Kamakailan, pinangunahan ng mga lider ng Quad Comm, kasama sina Gonzales at Suarez, ang pito pang mga mambabatas sa paghain ng panukalang na naglalayong gawing batas ang pagbabawal sa POGO sa buong bansa. Ito ay bilang pagtugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang kaligtasan ng publiko at pambansang seguridad mula sa mga kriminal na aktibidad na kaugnay ng mga POGO.

Ang panukalang Anti-Offshore Gaming Operations Act ay naglalayong ipagbawal ang lahat ng offshore gaming sa bansa at magpataw ng mga parusa sa mga lalabag.

Noong Oktubre 21, inihain ng Quad Comm ang mga kinakailangang dokumento sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga Chinese nationals na inaakusahan ng paggamit ng pekeng Filipino citizenship upang makabili ng lupa at magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Hinimok ng mega-panel ng Kamara, na kinabibilangan ng mga Komite sa Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts, sa OSG na pabilisin ang pagsusuri at magsagawa ng mga legal na hakbang, kabilang na ang mga proseso ng civil forfeiture, kasama ang mga kaugnay na ahensya.

Ang panukalang Civil Forfeiture Act ay naglalayong pagtibayin ang pagbabawal sa pag-aari ng lupa ng mga dayuhan, na nakasaad sa 1935 Constitution.

Nilalayon nito ang mga indibidwal na lumalabag sa mga restriksiyon ng Saligang Batas sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng dokumento, na magpapahintulot sa pgkumpiska ng mga ari-arian.

“The continued violation to the provisions of our Constitution on alien land ownership cannot be allowed to continue,” ayon pa sa sinasaad ng panukala.

Binanggit ng panukala na marami sa mga lumalabag ay konektado sa mga POGO, na kamakailan ay ipinatigil ni Pangulong Marcos Jr. dahil sa pagkakasangkot sa mga ilegal na gawain.

Ipinagbabawal ng Konstitusyon ng Pilipinas ang pag-aari ng lupa ng mga dayuhan, maliban na lamang sa mga kaso ng pagmamana.

Ang Article XII, Sections 7 at 8 ng 1987 Constitution ay nagtatakda ng mga paghihigpit sa pag-aari ng pribadong lupa, na tanging para lamang sa mga Pilipino o mga korporasyong may hindi bababa sa 60 porsyentong pag-aari ng mga Pilipino.

Ang panukalang batas ay naglalayong mahigpit na ipatupad ang probisyong ito, partikular na laban sa mga dayuhan na gumagamit ng mga pekeng dokumento upang makaiwas sa batas.

Ayon sa mga may-akda ng panukalang batas, naging talamak ang isyung ito sa mga nakalipas na taon, partikular na sa pag-usbong ng mga POGO sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Thousands of aliens have been flocking to the Philippines to establish [POGOs] which has turned out to be closely linked to criminal activities, such as human trafficking and illegal drugs,” ayon pa sa mga may akda.

Nabatid sa mga imbestigasyon na ang ilang mga dayuhan ay nakakakuha ng mga pekeng birth certificate, pasaporte, at iba pang opisyal na dokumento, na nagpahintulot sa kanila na ilegal na makabili ng mga ari-arian.

Sa ilalim ng Civil Forfeiture Act, ang anumang lupain na inilipat o ipinagkaloob sa isang dayuhang hindi kwalipikado ay ituturing na walang bisa.

Ang OSG, sa pakikipagtulungan ng Department of Justice, ay magsisimula ng mga proseso ng civil forfeiture.

Sinasaad din sa panukalang batas na ang anumang real estate na nakuha ng isang dayuhan ay ituturing na ilegal na nakuha maliban lamang kung mapapatunayan ng may-ari o ng ibang partido na ito ay dumaan sa tamang proseso at naayon sa batas.

Ang panukalang batas ay may mga probisyon na naglalayong tiyakin na ang mga ari-arian na na-forfeit ay magagamit para sa kapakanan ng nakararami.

Kung ang lupa ay pang-agrikultura, ito ay ipapamahagi sa mga kwalipikadong magsasaka sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agrarian Reform.

Habang ang mga Non-agricultural lan ay itatalaga naman para sa mga pampublikong serbisyo, tulad ng mga paaralan at ospital, o ipapasa sa mga lokal na pamahalaan para magamit sa serbisyong panlipunan.

Layunin din ng panukalang batas na pagbutihin ang monitoring at pagpapatupad sa pamamagitan ng pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan at ng Land Registration Authority.

Ang mga lokal na pamahalaan ay mag-uulat ng anumang kahina-hinalang paglilipat ng lupa sa OSG, habang ang LRA naman ay magbanantay ng mga paglilipat upang tiyakin ang pagsunod sa mga regulasyon.

Sa kabila ng mga limitasyon sa pagmamay-ari ng lupa para sa mga dayuhan, matagal nang sinasamantala ng ilang dayuhang mamamayan ang kahinaan ng batas, kadalasan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng korporasyon o ilegal na proseso. Layunin ng panukalang batas na magtaguyod ng malinaw na sistema para sa civil forfeiture, o ang pagbawi ng mga ari-ariang nakuha sa ilegal na paraan.

Sinisikap ng mga mambabatas ang mabilis na pagpasa ng panukalang batas, upang agarang masugpo ang talamak na paglabag sa mga batas sa pagmamay-ari ng lupa.

“Moving forward, it is then imperative to never let such activities continue in the Philippines,” paliwanag pa sa panukala.

Dagdag pa rito: “Thus, by reiterating existing policies against foreign land ownership, establishing the necessary framework for better enforcement, and allocating any forfeited real property for public use, we can curb corrupt practices, if not eliminate them altogether.”