Calendar
Quad Comm kay Garma: Isiwalat ang lahat ng nalalaman
SI dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ba ang nag-utos diumano na patayin si Ret. General Wesley Barayuga?
Ito ang isa sa mga tanong ng quad committee ng Kamara de Representantes na nais nilang sagutin ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma, na nauna ng nagsabi na binibigyan ng reward ang mga pulis na nakapatay ng drug suspect.
Kaugnay nito, hinimok ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., co-chair ng joint panel at chairman ng House committee on human rights, si Garma na ilantad na ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa extrajudicial killings (EJK) at tukuyin kung sino ang nag-utos ng mga pagpatay, sino ang nagsagawa sa mga utos, at sino-sino ang lahat ng mga sangkot.
“Retired Colonel Garma’s explosive testimony last Friday linking former President Duterte and his close aide Sen. Lawrence ‘Bong’ Go to extrajudicial killings during the previous administration could be just the tip of the iceberg. This is just the beginning of a deeper inquiry into a more alarming issue: the alleged participation of higher officials in EJKs. There is much more to uncover, and we are committed to getting to the bottom of these serious allegations,” ayon sa mambabatas.
Pagtitiyak pa ni Abante, hindi titigil ang quad comm hangga’t hindi lumalabas ang buong katotohanan dahil ang usapin dito ay tungkol sa pananagutan, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
“As she has declared, the truth will set her free. We welcome such a declaration, and we hope she would begin to tell the whole truth and nothing but the truth. She should not cover up the sins of her former superiors, the former president included,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Maynila.
Interesado naman si Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng quad comm, na malaman kung ang utos na patayin ang retiradong heneral ng pulisya at board secretary ng PCSO na si Wesley Barayuga noong Hulyo 2020 ay galing kay Garma o kay Duterte.
Batay sa mga lumabas na impormasyon, si Garma ang itinuturo ni retired police colonel at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo na pinanggalingan ng reward money at impormasyon upang matukoy ang lokasyon ni Barayuga at maging madali ang pagpatay.
Si Leonardo ay upperclassman ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Nauna ng inihayag ni Lt. Col. Santie Mendoza, isa ring PNPA graduate, sa quad comm na kinontak siya ni Leonardo upang planuhin ang pagpatay kay Barayuga.
Sinabi ni Mendoza na inutusan niya ang kaniyang civilian drug informant na si Nelson Mariano na maghanap ng killer, na nakipag-uganayan naman sa isang nagngangalang “Loloy” na siyang nagsagawa ng pagpatay kay Barayuga.
Sa araw ng mismong pagpatay, sinabi ni Mariano na nakatanggap siya ng real-time update tungkol sa galaw ni Barayuga na pumasok sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
Kabilang sa nakuhang update ay isang litrato ng yumaong board secretary ng PCSO na umano’y kuha ni Garma habang nasa board meeting, pati na rin ang mga detalye ng sasakyang gagamitin ni Barayuga.
Ang impormasyon ay ipinadala ng isang alyas “Toks,” na umano’y close aid ni Garma. Ayon pa kay Mariano, si “Toks” din ang nagbigay sa kanya ng P300,000 bayad para sa kanilang operasyon.
Ang retiradong opisyal ay tinambangan hindi kalayuan sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.
“We want retired Col. Garma to comment on the detailed testimonies of Lt. Colonel Mendoza and Mr. Mariano, and of course on other EJK cases,” ayon kay Barbers.
Dahil itinanggi ni Garma ang anumang kaugnayan sa pagpatay kay Barayuga, sinabi ni Barbers na dapat nitong sabihin kung sino ba ang nag-utos nito.
“She should also tell us what she knows about the murder of three Chinese drug lords inside the Davao prison in August 2016. She has been implicated by at least three witnesses,” ayon kay Barbers.
Sinabi pa ni Barbers na interesado rin ang joint panel sa iba pang nalalaman ni Garma hinggil sa iba pang kaso ng EJK.