Harry Roque Ex-presidential spokesperson Harry Roque

Quad Comm kay Roque: ‘Sumuko ka na!’

99 Views

NANAWAGAN ang House quad committee nitong Martes kay dating presidential spokesperson Harry Roque na sumuko matapos ibasura ng Korte Suprema ang kanyang tanging legal na paraan laban sa kautusan ng komiteng ito na siya’y ikulong.

Si Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang nanguna sa panawagan matapos pagtibayin ng Supreme Court (SC) ang pagtanggi sa petisyon ni Roque para sa writ of amparo. Ang naturang writ ay sinubukan niyang gamitin upang maiwasan ang pagkakakulong habang iniimbestigahan ng quad comm ang kanyang posibleng kaugnayan sa iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

Ayon kay Fernandez, na namumuno sa House committee on public order and safety, “Sumuko ka na, Atty. Roque.” Aniya ay hindi na makakalusot si Roque sa batas sa pamamagitan ng mga legal na maniobra.

“Hindi na ito ang panahon para magpalusot. Dapat harapin ni Atty. Roque ang musika at sagutin ang mga paratang sa tamang forum. Ang batas ang dapat manaig. Hindi dapat itago ni Roque ang kanyang sarili sa likod ng mga technicalities o mga writ na wala namang basehan,” diin ni Fernandez, na binigyang-diin pa na hindi nalabag ang karapatan ni Roque, ayon mismo sa kumpirmasyon ng Korte Suprema.

Hinikayat din ni Barbers, overall chair ng quad comm, si Roque na sundin ang batas at makipagtulungan sa nagpapatuloy na imbestigasyon, na nagbunyag ng nakakabahalang koneksyon sa pagitan ng mga POGO at iba pang mga iligal na aktibidad, kabilang ang mga sindikato ng droga at extrajudicial killings (EJK).

“The Quad Committee is uncovering layers of criminal activities tied to POGOs, and we need full transparency from everyone involved,” ani Barbers, na namumuno rin sa House committee on dangerous drugs.

“Kung walang itinatago si Atty. Roque, bakit siya nagtatago? The public deserves to know the truth,” dagdag pa ni Barbers.

Ang quad comm ay nag-iimbestiga sa mga koneksyon ng POGO sa paglaganap ng iligal na droga, pang-aagaw ng lupa ng ilang Chinese nationals, at mga EJK na kaugnay sa brutal na kampanya laban sa droga ng administrasyon ni Duterte.

Kasama ni Barbers at Fernandez sa quad comm sina Manila Rep. Bienvenido Abante, chairman ng House committee on human rights, at Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, chairman ng House committee on public accounts.

Si Antipolo City Rep. Romeo Acop ay vice chair ng lahat ng apat na panel at chairman ng House committee on transportation.

Nilinaw ng desisyon ng SC, na inilabas noong Oktubre 1, na ang writ of amparo ay inilaan para sa mga kaso ng EJK o enforced disappearances, mga sitwasyong hindi naman angkop sa kaso ni Roque.

Dahil sa patuloy na pag-iwas ni Roque sa pananagutan, binigyang-diin ni Fernandez ang pangangailangan ng mga taong nasa posisyon ng kapangyarihan na magpakita ng mabuting halimbawa.

“Nakakabahala na sa halip na mag-cooperate, ang ginagawa ng iba ay palaging tinatakbuhan ang kanilang mga pananagutan. The wheels of justice are turning, and no amount of legal gymnastics will protect those complicit in these crimes,” pahayag ni Fernandez.

Hinimok din ni Barbers si Roque na igalang ang legal na proseso at iwasan ang mga hakbang na nagdudulot ng kalituhan sa publiko.

“If he believes he is innocent, he should welcome the opportunity to clear his name in a proper legal forum. Trying to escape through technicalities only raises more suspicions,” ani Barbers.

“This investigation is not just about POGOs; it’s about dismantling a complex web of criminality that threatens our society,” dagdag pa ni Barbers.