Barbers

Quad Comm muling nangako ng hustisya, pananagutan

24 Views

MULING pinagtibay ng House Quad Comm ang kanilang pangako na alamin ang katotohanan at maihatid ang hustisya sa kanilang year-end hearing kaugnay ng illegal drug trade at extrajudicial killings (EJKs) na nag-ugat sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

“Wala pong sisinuhin ang Quad Comm. There will be no sacred cows. We will leave no stone unturned in the search for truth, justice, and accountability,” pahayag ni Quad Comm lead chair Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte sa ika-13 pagdinig ng mega-panel.

Si Barbers, na pinamumunuan din ang Committee on Dangerous Drugs, ay binigyang-diin ang di-maihihiwalay na ugnayan ng war on drugs at EJKs.

“It was as if the war on drugs cannot be implemented without killing thousands of people,” ani Barbers, habang inilalarawan ang nakapanghihilakbot na pattern ng sistematikong karahasan at korupsiyon na naungkat sa nakalipas na 12 pagdinig.

Ibinunyag ni Barbers ang mga testimonya na nagtuturo sa mga mataas na opisyal, kabilang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sa pagpapatupad ng isang “reward system” para sa pagpatay sa mga hinihinalang drug suspects.

Ayon sa mga pahayag nina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma at dating National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo, ang mga reward ay mula P20,000 hanggang P1 milyon.

Idinagdag ni Barbers na inamin mismo ni Duterte sa kanyang testimonya na inutusan niya ang mga pulis na gumawa ng pekeng scenario ng “nanlaban” upang bigyang-katwiran ang pagpatay.

“Kanyang inamin na inutusan nya ang mga kapulisan na patayin ang mga drug personalities, bagama’t sinabi nya na dapat ito ay manlaban, na kung hindi naman manlalaban ay dapat piliting manlaban upang ma-justify ang pagpatay sa mga ito,” saad ni Barbers.

Naungkat din sa pagdinig ang mga akusasyon laban sa iba pang prominenteng personalidad.

Inakusahan ni Kerwin Espinosa, hinihinalang drug lord, si dating Philippine National Police Chief na ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagpatay sa kanyang ama, si Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Idinawit din niya si Dela Rosa sa pagsasabwatan umano upang madiin si dating Senador Leila de Lima, na naging sanhi ng pitong taong pagkakakulong nito sa kabila ng kawalan ng matibay na ebidensiya.

Binanggit din ni Barbers ang mga testimonya ng dating Customs personnel na sina Jimmy Guban, negosyanteng si Mark Taguba, at sinibak na pulis kolonel Eduardo Acierto, na nag-uugnay kina Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, Vice President Duterte’s husband Manases “Mans” Carpio, at dating presidential economic adviser Michael Yang sa malakihang smuggling operations.

Naungkat din ang koneksyon ng illegal POGOs sa drug trade, kung saan dawit si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, isang Chinese national at malaking POGO operator.

Napag-alamang ginamit ni Guo ang mga korporasyon na konektado kina Michael Yang at Lin Weixiong (kilala rin bilang Alan Lim) upang ma-launder ang drug money.

Idinawit din si dating Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa pag-lobby sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) para sa POGO operator na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

Lumabas din sa records ang hindi maipaliwanag na paglobo ng declared assets ni Roque na hindi niya sapat na naipaliwanag.

Inihayag ni Barbers na ang mga natuklasan ng komite ay nagbigay-daan sa paggawa ng mga panukalang batas upang matugunan ang mga legal loopholes at mapanagot ang mga may sala.

Kabilang dito ang mas mabigat na parusa para sa extrajudicial killings, pagkumpiska ng mga ari-ariang konektado sa pekeng dokumento, at pagbibigay ng mas malaking kapangyarihan sa mga ahensya ng gobyerno upang kanselahin ang mga pekeng corporate registrations.

Binatikos din ni Barbers ang mga tangkang siraan ang gawain ng Quad Comm.

“Maraming bayarang trolls at kritiko na wala namang naintindihan sa usapin o sadyang ayaw umintindi,” wika ni Barbers. “But the truth will prevail.”

Sa pagtatapos, pinasalamatan ni Barbers ang publiko sa kanilang tiwala at suporta, na aniya’y nagbibigay-lakas sa komite upang harapin ang bawat hamon, alamin ang katotohanan, at maihatid ang hustisya.

“Dahil sa inyong kooperasyon, suporta, paniniwala at pagtitiwala, ang Quad Comm ay matagumpay na humaharap sa lahat ng pagsubok upang mabatid ang katotohanan at mabigyan ng katarungan at kasagutan ang ating mga hinaing, tungo sa tunay na kapayapaan,” aniya.