Garma Retired Police Col. Royina Garma

Quad Comm nag-isyu ng SCO vs aide ni Bong Go, 4 pang sangkot sa drug war ni DU30

81 Views

NAGLABAS ang House quad committee ng show cause order (SCO) sa limang indibidwal na hindi dumalo sa pagdinig noong Martes, kabilang si Irmina Espino, ang aide ni Sen. Christopher “Bong” Go na iniuugnay sa reward system ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Bukod kay Espino, kasama rin sa pinagpapaliwanag ng joint panel sina Peter Parungo, Rommel Bactat, Michael Palma at Sanson Buenaventura, na pinangalanan ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma, ang nagkumpirma sa reward system ng war on drugs sa ilalim ng dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Ipinakita ng testimonya ni Garma na ang giyera kontra droga ay pinapatakbo sa pamamagitan ng reward system na nag-uudyok sa mga pulis na patayin ang mga indibidwal na nasa kontrobersyal na “drug list” ni Duterte, na nagresulta sa libu-libong extrajudicial killings (EJK) at paglabag sa karapatang pantao.

Bilang isang retiradong pulis na malapit kay Duterte, dinetalye ni Garma kung paano ipinatupad ang kampanya sa ilalim ng direktang utos ng dating pangulo, kung saan sina Go at retiradong Police Col. Edilberto Leonardo ay mayroong pangunahing papel sa operasyon.

Ipinaliwanag niya na ang pambansang kampanya ay hango sa “Davao Model” na ginamit noong si Duterte ang alkalde, na nagbigay ng kabayaran sa mga pulis para sa mga pagpatay, na may pabuyang mula P20,000 hanggang P1 milyon depende sa target.

Ayon kay Garma, pagkatapos mahalal si Duterte bilang pangulo noong 2016, iniutos nito sa kanya na humanap ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) upang ipatupad ang giyera kontra droga, kung saan inirekomenda niya si Leonardo, ang hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Region 11.

Si Leonardo na kalauna’y naging undersecretary sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at commissioner ng National Police Commission (Napolcom).

Sa testimonya ni Garma, sinabi nitong bumuo ng task force si Leonardo kasama ang mga operatibang sina Bactat, Cerbo at Palma, na responsable sa intelligence gathering at pangangasiwa sa police operations.

Ang mga ulat ay isinasaayos ni Berganio, na may listahan ng drug personalities para suriin ni Leonardo at magtalaga ng mga kaukulang halaga ng gantimpala.

Si Buenaventura, isang mataas na opisyal ng pulisya at isa sa mga pinagkakatiwalaang tao ni Duterte, ay nakilalang miyembro ng Davao Death Squad.

Ibinunyag ni Garma sa kanyang testimonya na si Buenaventura mismo ang namamahagi ng P20,000 na cash sa mga station commander para sa bawat matagumpay na pagpatay sa operasyon sa Davao City.

Samantala, sina Cerbo at Berganio ay hindi nabigyan ng mga SCO dahil walang ebidensiya na natanggap nila ang mga imbitasyon mula sa quad comm.

Inaasahan ng mega-panel—na binubuo ng mga House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts—na dadalo si Espino at ang apat na iba pa sa susunod na pagdinig upang magpaliwanag ng kanilang hindi pagdalo at magbigay ng testimonya sa harap ng komite.

Kung ang kanilang mga paliwanag ay hindi magiging katanggap-tanggap, maaaring i-cite sila for contempt at ipag-utos ng komite na makulong.