Quad Comm Inihain nin (mula kanan) Quad Committee Chairman and Surigao Del Norte Rep. Robert Barbers, Manila Rep. Benny Abante, Abang Lingkod Partylist Rep.Joseph Stephen Paduano, Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, Antipolo Rep. Romeo Acop at Batangas Rep. Gerville Luistro ang House Bill 11117 sa House of Representatives Bills and Index division Miyerkules ng umaga. Kuha ni VER NOVENO

Quad Comm: Pekeng alien birth certificates kanselahin

108 Views

NAGHAIN ang mga lider at miyembro ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ng panukalang batas upang magkaroon ng administratibong proseso para mabilis na makansela ang mga pekeng birth certificate na nakuha ng mga dayuhan, kabilang ang mga sangkot sa ilegal na droga at iba pang kriminal na aktibidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ang House Bill (HB) 11117, na kilala rin bilang panukalang “Fraudulent Birth Certificate Cancellation Law,” ay ang ikatlong panukalang batas na bunga ng imbestigasyon ng Quad Committee kaugnay ng mga umano’y kriminal na aktibidad ng mga dayuhan, partikular ang paggamit ng mga huwad na dokumento.

Inihain ang panukalang batas nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales Jr.; Deputy Speaker David “Jay-Jay” C. Suarez; mga chairman ng Quad Committee na sina Robert Ace Barbers, Bienvenido Abante Jr., Dan Fernandez, at Joseph Stephen “Caraps” Paduano; at vice chairman ng Quad Committee na si Romeo Acop.

Kabilang din sa mga umakda sa panukala sina Reps. Johnny Ty Pimentel, Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, Rodge Gutierrez, Francisco Paolo Ortega V, Jay Khonghun, Jonathan Keith Flores, Jil Bongalon, Margarita “Atty. Migs” Nograles, Ernesto Dionisio Jr., Joel Chua, Zia Alonto Adiong, Lordan Suan, at Cheeno Miguel Almario.

“A birth certificate is the most basic document a Filipino citizen must have. It is a document that provides the imprimatur of the State that an individual is a Filipino and opens to the individual vast opportunities unavailable to foreigners, such as practicing a profession, pursuit of certain businesses, or even to run for public office,” bahagi ng explanatory note ng mga may akda.

Ang hakbang na ito ay ipinatupad matapos mabunyag na libu-libong dayuhan ang nakakuha ng mga birth certificate sa Pilipinas sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento.

Sa Davao del Sur lamang, mahigit 1,200 fake birth certificate ang inilabas ng local civil registrar hanggang Hulyo 2024.

Naniniwala ang mga mambabatas na maaring may sabwatan ang mga ito sa opisyal ng gobyerno.

“These foreigners must have gotten aid from public officers from local civil registry offices to secure such falsified birth certificates for consideration,” ayon pa sa panukala.

Kahit na may sapat na ebidensya ng pandaraya, binanggit ng mga mambabatas na ang kasalukuyang pamamaraan ay nangangailangan ng kautusan mula sa korte upang mapawalang-bisa ang birth certificate, isang proseso na maaaring magtagal ng ilang taon.

Sa kasalukuyan, sinabi nila na ang mga huwad na dokumento ay nagagamit ng mga dayuhan upang makagawa ng mga iligal na aktibidad tulad ng ilegal na droga, money laundering, at human trafficking.

“This sad state of affairs cannot be allowed to continue,” ayon pa sa rito.

Sa ilalim ng panukalang batas, itatatag ang isang Special Committee on Cancellation of Fraudulent Birth Certificates na pamumunuan ng Registrar General ng Philippine Statistics Authority (PSA), at kasaping miyembro mula sa Department of Foreign Affairs, Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, at Office of the Solicitor General (OSG).

Kabilang sa mandato ng komite na magsagawa ng imbestigasyon sa mga reklamo, maglabas ng subpoena para sa mga ebidensya, at magbigay ng desisyon ukol sa mga fake birth certificate sa loob ng 30 araw mula sa pagtanggap ng mga ebidensya.

Ang reklamo ay maaring isampa ng sinumang legal-age citizen o ng law enforcement agency at kailangang magbigay ng detalyadong impormasyon at ebidensya tulad ng pangalan ng dayuhan, detalye ng pekeng birth certificate, at kung paano ito nakuha.

Bibigyan ng 15 araw ang foreign national upang sagutin ang reklamo, pagkatapos nito ay magsasagawa ng pagdinig ang komite at magbibigay ng desisyon batay sa ebidensya.

Ang mga desisyon ay agad na ipatutupad, bagama’t maaaring i-apela sa Office of the President, at resolbahin ang apela sa loob ng 30 araw.

Layunin din ng panukalang batas na magpataw ng parusa sa mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na nagsabwatan para makakuha ng pekeng dokumento.

“It is time to put an end to these unlawful activities,” the authors declared. “Being a Filipino citizen should not be so easily acquired or given away by unscrupulous and selfish individuals who only wish to attain Filipino citizenship to fuel their self-interests. Being a Filipino is something that we should always honor and zealously protect.”

Ang hakbang ay kasunod na rin ng dalawa pang ibang panukalang batas na may kaugnayan sa mga isinasagawang imbestigasyon ng Quad Committee.

Una ng naghain ang mga lider ng Quad Committee ng HB 11043, o ang panukalang “Civil Forfeiture Act,” na naglalayong pahintulutan ang gobyerno na bawiin ang mga ari-arian na ilegal na nakuha ng mga foreign national, lalo na yaong may kaugnayan sa POGO.

Naghain din sila noong Oktubre ng HB 10987, o ang “Anti-Offshore Gaming Operations Act,” na naglalayong gawing institusyonal ang pagbabawal sa POGO sa buong bansa, at palakasin ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang kaligtasan ng publiko at pambansang seguridad mula sa mga kriminal na aktibidad na may kaugnayan sa POGOs.

Ang panukalang batas ay naglalayong ipagbawal ang lahat ng offshore gaming sa bansa at magpataw ng mga parusa para sa mga paglabag.

Noong nakaraang buwan, nagsumite rin ang Quad Committee ng mga dokumento sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa mga posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga Chinese nationals na inaakusahan ng paggamit ng pekeng Filipino citizenship upang makakuha ng lupa at magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Hinimok ng mega-panel, na binubuo ng mga komite sa Kamara ang Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts, ang OSG na pabilisin ang pagrepaso at maglunsad ng mga legal na hakbang, kabilang ang mga proseso ng civil forfeiture, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.