Quadcom QUADCOM HEARING – Ang unang joint public hearing in aid of legislation ng quad committee ng Kamara de Representantes ay ginanap umaga ng Biyernes nina dangerous drugs at quad committee chairman Rep. Robert Ace Barbers at committees on public accounts chairman Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, public order and safety chairman Rep. Dan Fernandez at human rights chairman Rep. Bienvenido Abante Jr. sa Villa De Bacolor Convention Center sa Bacolor, Pampanga. Naroon din si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. Kuha ni Ver Noveno

Quad committee naglabas ng show cause order vs aide ni Roque

Mar Rodriguez Aug 16, 2024
102 Views

NAGLABAS ng show cause order ang quad committee ng Kamara de Representantes sa ilang personalidad na mayroong kaugnayan sa Philippine offshore gaming operators (POGO), kasama ang executive secretary ni dating Presidential spokesman Harry Roque na si Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna.

Kasama si Dela Serna sa inimbitahan ng quad committee sa pagdinig na isinagawa nito sa Bacolor, Pampanga nitong Biyernes, Agosto 16, kaugnay ng iligal na operasyon ng POGO, bentahan ng iligal na droga, at extrajudicial killings (EJK) sa pagpapatupad ng war on drugs noong administrasyong Duterte.

Si Roque, na naiugnay din sa kontrobersya ng POGO, ay hindi rin nakarating sa imbestigasyon dahil ito ay nasa Manila Regional Trial Court (RTC).

Inatasan naman ng quad committee ang Secretariat upang berepikahin kung totoo na si Roque ay nasa Manila RTC.

Sa pagdinig, hiniling ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, chairman ng House committee on public accounts, sa quad committee na magpalabas ng show cause order sa mga personalidad na hindi dumalo sa pagdinig.

Inaprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chair ng committee on dangerous drugs, ang mosyon.

Kasama sa pinagpapaliwanag kung bakit hindi nakadalo si acting Mayor Eraño Timbang at mga hepe ng iba’t ibang departamento sa lokal na pamahalaan ng Bamban, Tarlac, gayundin ang mga opisyal ng Hongsheng Gaming Technology Inc. gaya nina Thelma B. Laranan at Yu Zheng Can.

Pati rin ang mga incorporator ng Baofu Land Corporation, kasama ang sinibak na si Bamban Mayor Alice Leal Guo at Bernard Chua, ay pinagpapaliwanag.

Ang mga opisyal ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. at Lucky South 99 Corp., gaya ng pangulo nito na si Julian M. Linsangan III, at incorporators ng Whirlwind Corp. gaya nina Josefina B. Mascarenas at Duanren Wu ay hihingan din ng paliwanag.

Pinagpapaliwanag din ang mga incorporator ng Biancham Holdings and Trading Inc. na sina Roque.

Ang iba pang kailangang magpaliwanag ay sina Atty. Gerald Y. Medina ng Medina, Flores Ofrin Law Office; Ruperto Cruz, may-ari ng property sa Bamban; at Danny C. Corral, pangulo at chief executive officer ng First Bataan Mariveles Holdings Corp.

Lumutang ang pangalan ni Roque at Dela Serna matapos na makita ang kanilang pangalan sa mga dokumento na nakuha ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.

Ang dokumento ay ang appointment paper ni Dela Serna bilang Executive Assistant III noong Oktobre 5, 2021, kung saan sinabi ni Roque na inaako nito ang responsibilidad kay Dela Serna para sa biyahe nito sa Poland, Ukraine at Italy noong Oktobre 2023.

Ang quad committee ay binubuo ng committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts.

Layunin nito na malaman ang katotohanan sa likod ng iligal na operasyon ng POGO, bentahan ng iligal na droga, at EJK sa Duterte war on drugs at papanagutin ang mga nasa likod nito.