Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

QuadComm binira mga Pinoy na nakikipagsabwatan sa China crime gangs

364 Views

Mariing kinondena ng mga mambabatas sa huling pagdinig ng House Quad Committee ngayong Lunes ang pakikipagsabwatan umano ng ilang Pilipino sa mga criminal syndicate mula sa China upang makapasok sa bansa at dito gumawa ng krimen.

“The Chinese raped us but we helped them rape us,” ayon sa pahayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, co-chair ng Quad Committee at chair ng House Committee on Dangerous Drugs.

“Bayan ko, binihag ka, nasadlak sa dusa!” dagdag pa ni Barbers sa kanyang talumpati sa umpisa ng ika-15 at huling pagdinig ng Quad Committee, na binubuo ng apat na komite ng Kamara, ang Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.

Ang imbestigasyon ay nakatuon sa koneksyon ng mga operasyon ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) sa human trafficking, drug smuggling, at mga extrajudicial killings sa kasagsagan ng madugong kampanya kontra-droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Inilarawan ni Barbers ang mga natuklasan ng komite bilang halos hindi kapani-paniwala, na aniya’y mistulang pinagsamang “mafia, Hollywood at James Bond movies” bagama’t may isang malinaw na kuwento na nagpapakita ng organisadong krimen sa pagitan ng mga Chinese at mga kasabwat na Pilipino.

“The words betrayal, traitors, unpatriotic are not enough to describe the despicable, wicked and perhaps even evil acts of collaboration that some of our leaders, elected officials and civil servants extended to these criminals,” diin ni Barbers.

Isinisi niya ang paglawak ng operasyon ng POGO sa bisa ng Executive Order No. 13, na ipinalabas sa ilalim ng administrasyong Duterte at nagbigay-daan sa paglawak ng offshore gaming sa ngalan ng umano’y economic growth.

“POGO hubs have evolved into breeding grounds for transnational crime: human trafficking, crypto scams, money laundering, identity fraud, torture and even murder,” saad ni Barbers.

Isa sa mga tinukoy ay si dating Bamban Mayor Alice Guo, na umano’y nabunyag bilang si Guo Hua Ping— isang hinihinalang Chinese national na nakapasok sa political system gamit ang pekeng dokumento.

Ayon kay Barbers, ito ay hindi lamang paglabag sa immigration – kundi ay seryosong banta sa pambansang seguridad.

Sinabi pa ni Barbers, may matibay na ebidensyang nagpapakita ng “a well coordinated Chinese criminal syndicate operating through layers of corporate entities, nominee shareholders, and corrupt public officials,” na may koneksyon sa malalaking kaso ng droga gaya ng P3.6-bilyong shabu bust sa Mexico, Pampanga.

Ikinabit niya ang sindikato sa mga personalidad tulad nina Michael Yang, dating presidential adviser ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, at Wei Xiong Lin.

“The duty now falls upon us to ensure that these findings lead to real consequences. We must demand accountability – not only for the victims of extrajudicial killings and those exploited by POGO-linked criminal networks – but for the Filipino people, whose trust in their institutions has been deeply shaken,” giit ni Barbers.

Kasama rin sa pagdinig si Laguna Rep. Dan Fernandez, chair ng House Committee on Public Order and Safety, na nagpahayag ng matinding pangamba sa patuloy na operasyon ng mga POGO sa kabila ng umiiral na pagbabawal mula sa ehekutibo.

“Tapos na nga ba ang POGO? O ito ba ay nagtatago lamang sa ibang anyo at pangalan?” tanong ni Fernandez.

Aniya, mahigit 10,000 POGO workers ang hindi pa rin nahuhuli.

“Ako ay sumusuporta na dagdagan ng personnel ang PAOCC, lalo na ang pagdagdag ng mga imbestigador sa kanilang ahensya,” ayon kay Fernandez, patungkol sa Presidential Anti-Organized Crime Commission.

Binanggit din ni Fernandez na may mga kaso nang isinampa laban sa mga pangunahing tauhan sa POGO operations gaya nina Guo Hua Ping, Katherine Cassandra Ong, at Atty. Harry Roque.

Bilang tugon sa mga kahinaan ng batas, sinabi niyang isinulong na ng Kongreso ang House Bill No. 10987 upang bawiin ang bisa ng EO 13 at RA 11590 o ang batas sa pagbubuwis sa POGO.

“Sa mga sangkot sa human trafficking, money laundering, scam, torture, kidnapping, at iba pang kababuyan na nagtatago sa ibang bansa, may araw din kayo. Hahabulin kayo ng batas,” babala ni Fernandez.

“Panalo ka man noon sa POGO, ngayon, tapos na ang laro. Ngayon, hustisya naman ang mananalo,” saad pa ng kongresista.