Quiboloy

Quiboloy dapat tigilan na pagtakas sa pananagutan

169 Views

DAPAT umanong itigil na ng televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy ang pagtakas sa kanyang pananagutan matapos itong hindi dumalo sa pagdinig ng Senado kaya isang subpoena ang inilabas laban sa kanya para dumalo sa susunod na pagdinig.

Ito ang sinabi ni Arlene Caminong Stone, isa sa testigo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay ng mga alegasyon laban kay Quiboloy gaya ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse.

Sa kabila ng ipinadalang imbitasyon, hindi dumating si Quiboloy sa pagdinig at nagpadala ng abugado upang kumatawan sa kanya. Dahil dito ay nagpalabas ng subpoena ang chairperson ng komite na si Sen. Risa Hontiveros laban sa pastor.

Sa panayam, ipinahayag ni Stone ang kanyang pagkadismaya sa mistulang pagtakas ni Quiboloy sa kanyang pananagutan.

“Face us and admit what you do. Don’t try to hide from anyone or from whatever lies [you] created from the beginning,” ani Stone, na naka-base na sa Minnesota, sa kanyang mga akusasyon kay Quiboloy.

“Parang nagsasawa na kami. ‘Yong dina-dodge ba niya even the system. Hindi siya nagpapakita sa mga hearing. Laging merong dahilan. Nakakagalit na talaga,” dagdag pa ni Stone.

Si Stone ay dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church na pinamumunuan ni Quiboloy partikular sa grupong “pastorals.”

Sinabi ni Stone na sila ay sinasaktan kapag mayroon umanong nalalabag na panuntunan ng KOJC.

Tatlo pang testigo, kabilang ang dalawang babaeng Ukrainian ang nagdetalye sa mga umano’y pang-aabuso na kanilang naranasan mula sa kamay ni Quiboloy.

Ayon kay Hontiveros ang subpoena ay titiyak na dadalo si Quiboloy sa susunod na pagdinig ng komite.

Ang imbestigasyon ng Senado ay bunsod ng inihaing resolusyon ni Hontiveros kaugnay ng mga mali umanong gawain ni Quiboloy gamit ang KOJC.

Ayon sa resolusyon, ang mga pastoral ay mayroong mataas na posisyon sa organisasyon at gumagawa umano ng mga personal na trabaho para kay Quiboloy gaya ng paglalaba, pagpapaligo, paglilinis ng kuwarto, at pagmamasahe.

Binansagan ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio ang imbestigasyon na isang witch-hunt.

“The Senate investigation is not proper. These shameful allegations will be tried in the courts of the United States,” sabi ni Topacio.

Si Quiboloy at kanyang mga kasama sa KOJC ay nahaharap sa reklamong sex trafficking through force, fraud, at coercion sa Estados Unidos.

Batay sa 74-pahinang reklamo, inakusahan si Quiboloy na sangkot sa isang sex-trafficking operation.

Nakasaad din sa reklamo ang pag-recruit sa mga babae na edad 12-25 upang maging personal assistant o pastoral at kasama sa kanilang trabaho ay mag-night duty.