Calendar
Quiboloy hinamon na humarap sa imbestigasyon ng Senado
HINAMON ang kontrobersyal na televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy na humarap sa isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga akusasyon sa kanya at sa pinamumunuang Kingdom of Jesus Christ, the Name Above Every Name (KOJC).
Sinabi ni Arlene Caminong Stone, na nakabase sa Minnesota, USA, na panahon na upang direktang kumprontahin ng mga nag-aakusa si Quiboloy. Si Stone ay dating miyembro ng “pastoral” ni Quiboloy.
“Face us and admit what you do. Don’t try to hide from anyone,” ani Stone sa isang panayam kamakailan.
Magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equity, na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros sa Enero 23 kaugnay ng mga akusasyong kinakaharap ni Quiboloy at ng KOJC.
Sinabi ni Hontiveros na ipatatawag ng kanyang komite si Quiboloy upang personal na humarap sa pagdinig.
Nauna rito ay hiniling ni Hontiveros sa Department of Justice na magpalabas ng immigration lookout bulletin order upang mabantayan si Quiboloy at hindi makapagtago sa ibang bansa.
Naghain si Hontiveros ng resolusyon sa Senado para sa pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyon laban kay Quiboloy gaya ng human trafficking, rape, and sexual at physical abuse.
Ayon sa resolusyon isang grupo ng mga babae na tinatawag na pastoral ang gumagawa ng mga personal na bagay para kay Quiboloy gaya ng paglalaba, pagpapaligo, paglilinis ng kuwarto, pagmamasahe, at maging pakikipagtalik.
Ang pastoral ay kinabibilangan umano ng mga minor de edad.
Kinondena ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio ang isasagawang imbestigasyon ng Senado.
“The Senate investigation is not proper. These shameful allegations will be tried in the courts of the United States,” sabi ni Topacio.
Si Quiboloy at ilang miyembro ng KOJC ay nahaharap sa kasong conspiracy to allegedly engage in sex trafficking through force, fraud, at coercion sa Estados Unidos.
Sa 74-pahinang sakdal, inakusahan si Quiboloy at iba pang opisyal nang pagsasagawa ng sex-trafficking operation.
Ang mga biktima, na ang pinakabata ay 12-anyos ay pinagbabantaan umano at pinagbabantaan ng walang hanggang parusa.