Quiboloy

Quiboloy ipina-subpoena sa Kamara, ipa-aaresto kapag di pa rin dumalo

102 Views

NAGDESISYON ang committee on legislative franchises ng Kamara de Representantes na magpalabas ng subpoena laban sa self-styled “Appointed Son of God” na si Pastor Apollo Quiboloy.

Ito ay matapos na muling hindi dumalo si Quiboloy sa pagdinig ng komite kaugnay ng panukala na bawiin ng Kongreso ang prangkisa na ibinigay nito sa Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa iba’t ibang paglabag.

Sa pagdinig nitong Miyerkoles, nag-mosyon si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, vice chairman ng komite, na ipa-subpoena si Quiboloy, na sinasabing honorary chairman ng SMNI.

“We have to issue a subpoena to compel him to attend our next hearing,” sabi ni Pimentel.

Kung hindi pa rin dadalo si Quiboloy sa susunod na pagdinig sinabi ni Pimentel na mapipilitan itong ipa-cite in contempt si Quiboloy at ipa-aresto ito.

Ayon kay Pimentel ilang ulit na nabanggit ang pangalan ni Quiboloy sa pagdinig ng panukalang alisan ng prangkisa ang SMNI at dapat lamang na humarap ito sa pagdinig upang sumagot sa mga tanong.

“We have invited him not once and several times, but unfortunately, he has not attended our hearings,” sabi ni Pimentel.

Walang tumutol sa mosyon ni Pimentel kaya inaprubahan ito ng chairman ng komite na si Parañaque City Rep. Gus Tambunting.

Sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na bagamat sinuspendi ng National Telecommunications Commission (NTC) ang radio at television broadcasting operations ng SMNI ay nagpapatuloy naman umano ang mga online social media platforms nito.

Ayon kay Brosas nagpapatuloy pa rin ang pagpapakalat ng maling impormasyon at red-tagging ng SMNI sa pamamagitan ng kanilang social media accounts.

Inireklamo rin nina Representatives Raoul Daniel Manuel ng Kabataan, at France Castro ng Alliance of Concerned Teachers ang social media presence ng SMNI.

Sinabi ni Manuel na maging si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay na-red-tag sa isang programa.

“They have no remorse,” sabi ni Manuel.

Nang tanungin ni Brosas kung ano ang magagawa ng NTC sa patuloy na pagpapakalat ng SMNI ng mga maling impormasyon at red-tagging, sinabi ni NTC Commissioner Alvin Blanco na ang saklaw lamang ng ahensya ay ang paglabag ng network sa legislative franchise nito.

Sinabi rin ni Blanco na nagpatuloy ang operasyon ng SMNI sa isang radio at TV statin nito sa Western Visayas noong Disyembre 27 sa kabila ng suspensyong iginawad dito.

Itinanggi naman ito ni Mark Tolentino, abugado ng SMNI.

Nagalit naman si Pimentel at nagsabing “SMNI thinks they are above the law. Even in their programs, tingin nila sila ang hari.”

Iginiit ni Pimentel na dapat ay iendorso ng komite ang pagbasura sa prangkisa ng SMNI.

“We have already proved that the network has violated at least four sections of its legislative franchise,” dagdag pa ni Pimentel.