Quiboloy

Quiboloy itinalagang property administrator si Duterte

129 Views

DuterteSI EX-President Rodrigo Roa Duterte ang bagong appointed one ni Kingdom of Jesus Christ (KoJC) Pastor Apollo Carreon Quiboloy.

Ito ay matapos lumabas na ang dating pangulo ang sinasabing itinalaga ng KoJC founder at lider na appointed property administrator ng lahat ng kanyang pag-aari, gayundin ng lahat ng operasyon sa ilalim ng kanyang pangalan.

Ang pagkakatalaga sa dating Pangulong Duterte bilang bagong tagapamahala ni Quiboloy ay inihayag matapos kumpirmahin ng US ang sinasabing unsealing of warrants, kung saan ay kumakaharap sa iba-ibang mga kriminal na kaso ang Davao preacher sa bansang Amerika.

Ang dating Pangulong Duterte na sinasabing napakamalapit na kaibigan ni Quiboloy ay siyang naatasan bilang official property administrator sa lahat ng ari-arian sa kasalukuyan ng nasabing pastor, bilang paghahanda na rin umano sa posibleng extradition na posibleng maganap anumang oras.

Matatandaan na si Quiboloy ang nag-iisang spiritual adviser ng Pangulong Duterte simula’t sapul.

Ang pahayag na ito ay inere sa Sonshine Media Network International o SMNI kaninang umaga ng alas-8 ng walang masyadong kasamang detalye kundi ang mga sumusunod lamang na salita: “Former President Rodrigo Duterte is appointed as new administrator for KOJC properties.”

Base sa report, si Quiboloy ay may mga kinakaharap na kaso sa Amerika tulad ng sex trafficking by force, fraud at coercion, gayundin ang sex trafficking of children, at conspiracy and bulk cash smuggling.

Mismong ang Federal Bureau of Investigation ang diumano’y nagsabi na nasa wanted list na umano ang pangalan nito bunga ng mga kasong ibinabato rito, tulad ng labor trafficking scheme na umano’y pagdadala niya ng mga miyembro ng KOJC sa US gamit ang sinasabing fraudulent obtained visas at pwersahang pagso-solicit ng mga donasyon sa bogus charity upang masustena umano ang kanilang mga operasyon sa simbahan, gayundin ang diumano’y marangya nitong pamumuhay pati na rin ng ilan sa mga tinuturing na lider nito.

Ayon sa court ruling ng US California Judge na si Terry Hatter Jr., ang unsealing ng warrants and returns laban kay Quiboloy pati na rin ng kanyang mga kasama ay magbibigay ng pahintulot sa Interpol na mag-isyu ng tinatawag na Red Notice, kung saan ito ang ginagamit na paunang hakbang para sa extradisyon.

Ayon sa report, ito ay inaasahan na ng kampo ni Quiboloy kung kaya’t napagpasiyahan na umano nito na italaga si Duterte bilang administrador niya.

Para naman sa KoJC legal counsel, wala silang nakikitang dahilan upang maalarma sapagkat kumpiyansa naman aniya silang may sapat na silang depensa para maipagtanggol si Quiboloy, at kung saan ay sinabi rin nila na ang lahat ng mga nagaganap ay isang stratehiya lamang para pabagsakin si Quiboloy.

Sa kasalukuyan ay nahaharap din si Quiboloy sa posibleng pagkakaaresto sa Senado, gayundin sa Mababang Kapulungan, dahil sa patuloy nitong pagtanggi na humarap sa mga pagdinig ng dalawang kamara.

Matatandaan na mismong si Sen. Risa Hontiveros na siyang chairman ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na nag-isyu ng subpoena ay opisyal na nagdeklara na i-cite for contempt si Quiboloy dahil sa pang-iisnab nito sa kanilang imbitasyon sa Senado.

Bilang administrador ni Quiboloy, inaasahan naman na gagampanan ni Duterte ang tamang pag-iingat sa lahat ng mga pag-aari ng KoJC, partikular ni Quiboloy, gayundin ang mga pakikialam sa lahat ng transaksyon na magaganap sa panahon na wala si Quiboloy, lalo na sa puntong pang pinansyal na mga transaksyon.