Hontiveros

QUIBOLOY ‘LULUTANG’ NA?

162 Views

KASADO na ang kampo ni Senadora Risa Hontiveros sa gagawing pagdinig kaugnay ng subpoena na ipinadala ng Senate Committee on Women Children, Family Relations and Gender Equality laban sa leader at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy matapos tanggapin ng kampo ng Davao-based pastor ang kanilang inihain na summons nuong Huwebes.

Base sa ulat, ang tumanggap sa Davao ng subpoena ay nagpakilala din bilang legal counsel ng KOJC.

Ang mga katagang obligado si Quiboloy na humarap sa nakatakdang pagdinig ay malinaw na nakasaad sa ipinadalang sulat ng Committee ni Hontiveros sa kampo nito kung saan ay malinaw din sinasabi na gaganapin ang pagdinig sa Marso 5, 2024, alas 10 ng umaga.

“By authority of Section 17 of the Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation of the Senate, Republic of the Philippines, you are hereby commanded and required to appear before the Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, then and there to testify under oath on what you know relative to the subject matter under the inquiry by the said Committee, on the date, time and place hereunder indicated,” nakasaad sa Subpoena Ad Testificandum na para kay Pastor Quiboloy.

Ayon kay Hontiveros, nakipag-ugnayan na siya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan ay binigyan na umano siya ng kasiguruhan na aalalay mismo ang Philippine National Police (PNP) sa kaso ni Quiboloy.

Sinisiyasat ng komite na pinamumunuan ni Hontiveros ang mga alegasyon ng sekswal na pang-aabuso, human trafficking, pwersahan na pagtatrabaho sa mga menor de edad upang mamalimos at marami pang mga kaso na kinasasangkutan umano ni Quiboloy batay sa testimonya ng mga testigo na humarap sa pagdinig.

Ipinagkibit balikat lamang ni Hontiveros ang mga banta sa kanya ni Quiboloy sa isang video message kung saan ay sinabi nitong hindi man lamang nirespeto ang kanyang Constitutional rights ng komite ni Hontiveros at wala aniyang kakwenta kwenta ang mga pagdinig na ito sapagkat ito aniya ay ginagamit lamang para sa motibong pampulitiko laban sa pamilya Duterte.

Sinabi rin ng pastor na pinag aagawan siya ng mga babaeng testigo ni Hontiveros at hindi niya ito pinatulan kung kaya’t gumawa ang mga ito ng kwento laban sa kanya ngunit ang totoong target ng mga ito ay ang kanyang pera.

“Siya lang talaga ang yumaman at guminhawa ang buhay. Si Apollo Quiboloy lang ang yumaman. At paanong hindi ka yayaman? Ang daming tao at mga bata na pinanglilimos mo para sa marangya mong buhay. Para sa iyong mansyon at eroplano. At paano hindi ka yayaman. Walang sweldo ang mga taong ito ay may quota ka pang binibigay sa kanila. Lahat ng abuloy naka-turn over sayo. Kaya yumaman ka,” ani Hontiveros.

Sinabi rin ng senador na ang alegasyon ni Quiboloy na pinag-aagawan siya ay isang imahinasyon lamang.

“Pinag-aagawan ka? Ang napakaraming dumaan sa kanya (na mga babae) na sexually ay hindi kusang loob na relasyon. Walang consent o kusang loob na pangyayari kundi pinilit ang mga babaeng ito. Naging obligasyon sa kanila ang pangyayari dahil kinondisyon ang isip nila na ito ay dapat nilang gawin.” giit ni Hontiveros.

Sinabihan din niya sa Quiboloy na huwag na munang asintahin ni Quiboloy na mamuno para sa bansang Pilipinas gaya ng kanyang sinabi sa ginawang mensahe kamakailan.

“Bago ka tumakbo para mamuno sa bansang Pilipinas ay humarap ka na muna sa ating pagdinig. Yung constitutional rights mo na sinasabi mong na violate ay nire respeto natin. Kaya ka nga iniimbitahan ng pormal upang makapag salita ka ng iyong katuwiran at madinig ang iyong panig. Lahat tayo may constitutional right ngunit ang karapatan natin ay may kaakibat din na obligasyon kahit malaya tayo bilang mamamayan,” paglilinaw ng senadora.

Tungkol sa sinasabi ni Quiboloy na nanganganib umano ang kanyang buhay, sinabi ng senador na dapat magpakita muna ang pastor ng kahandaang harapin ang subpoena sa kanya bago subukan na humingi ng mga “arrangement” sa pagharap niya sa komite.

Ipinaliwanag din ni Hontiveros na hihingin niyang muli ang lagda ni Senate President Juan Miguel Zubiri para pirmahan ang arrest order laban kay Quiboloy tulad ng ginawang pagpirma sa subpoena ito.

“Pinirmahan ni SP yung subpoena para kay Quiboloy, at aasahan ko na pipirmahan ulit ni SP pag aresto sa kanya sakaling patuloy niyang isnabin ang summon ng ating komite” ani Hontiveros.