Quiboloy

Quiboloy wala ng takas

151 Views

KAILANGAN ng dumalo ang televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy sa imbestigasyong isinasagawa laban sa Sonshine Media Network International (SMNI) matapos magpalabas ng subpoena ang House Committee on Legislative Franchises laban sa kanya.

Kung patuloy na dededmahin ni Quiboloy ang pagdinig para matakasan ang mga tanong sa kanya ay maaaring warrant of arrest na ang ilabas ng komite laban sa kanya.

Matapos na hindi pansinin ang ilang imbitasyon na paulit-ulit ding ibinalita, inaprubahan ng chairman ng komite na si Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang pagpapalabas ng subpoena laban sa lider ng Kingdom of Jesus Christ church na siyang “honorary chairman” ng SMNI.

Iniimbestigahan ang SMNI kaugnay ng mga paglabag umano nito sa kanilang prangkisa gaya ng pagpapakalat ng pekeng impormasyon at palihim na paglipat ng mga shares nito.

Sa nakaraang pagdinig, ipinunto ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, ang vice chairman ng komite, na mahalaga ang pagharap ni Quiboloy upang masagot nito ang mga tanong ng mga mambabatas na makakapagbigay linaw sa isyu.

“We have invited him not once and several times, but unfortunately, he has not attended our hearings,” ani Pimentel sa pagdinig noong Pebrero 7.

Nagbabala si Pimentel na kung muling hindi sisipot si Quiboloy ay maaari itong ma-contempt na magbibigay daan sa pagpapalabas ang warrant of arrest laban dito.

Dumalo sa nakaraang pagdinig ang mga abugado ng SMNI na sina Mark Tolentino at Rolex Suplico subalit hindi nagkomento ang mga ito kaugnay ng subpoena na ipinalabas kay Quiboloy.

Ayon kay Tolentino si Quiboloy ay mayroon lamang ceremonial role bilang honorary chairman at walang kinalaman sa araw-araw na operasyon ng SMNI.

Taliwas naman ito sa mga ebidensya na lumabas sa pagdinig ng komite kung saan makikita na ito ang “beneficial owner” ng SMNI, at parent company nito na Swara Sug Media Corporation.

Ang isinasagawang imbestigasyon ay kaugnay ng House Bill (HB) No. 9710 na nagpapanukala na ibasura ang prangkisa na ibinigay ng Kongreso sa Swara Sug sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11422.

Ayon sa may-akda ng HB No. 9710 na si 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez nagagamit ang SMNI sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon at nabigo sa reportorial requirement nito sa Kongreso partikular ang pagpapalit nito ng controlling interest.

Sa pagdinig, nagpahayag ng pagkadismaya ang SMNI sa patuloy umano nitong pagpapakalat ng pekeng balita sa YouTube sa kabila ang ginawang pagsuspendi ng National Telecommunications Commission (NTC) sa free-air broadcast nito.

Ipinag-utos ng NTC ang indefinite suspension ng SMNI matapos itong magpatuloy ng operasyon kahit na sinuspendi ito ng NTC ng 30 araw.

Sa anim na pahinang cease and desist order na may petsang Enero 18, 2024, inatasan ng NTC ang SMNI na magpaliwanag kung bakit nabigo itong sumunod na 30-day suspension na ipinataw rito noong Disyembre 2023.

Ang 30-araw na suspension ay kasunod ng pagpapatibay ng Kamara de Representantes sa House Resolution (HR) No. 189 kung saan nakasaad ang mga paglabag ng SMNI.

Tinukoy sa HR No. 189 ang pagtugon nito sa responsibilidad sa publiko nang magpakalat ng mga maling impormasyon, pag-amin na inilipat nito ang shares ng walang pahintulot mula sa Kongreso, pagkabigo na i-alok sa publiko ang hindi bababa sa 30 porsyento ng shares nito.

Ang SMNI ay mayroong 10 AM station, 3 FM station, 14 television station, at 22 digital terrestrial TV broadcasting stations.