QRF

Quick Response Fund ng AFP hiniling ibalik

200 Views

HINIMOK ni Senator Loren Legarda ang Department of National Defense at ang economic managers na ibalik ang Quick Response Fund (QRF) para sa Armed Forces of the Philippines at isailalim sa audit ang remittances ng Bases Conversion and Development Authority habang tinatalakay sa Senado ang panukalang 2026 budget ng defense department.

Ayon kay Legarda, nakapaglaan siya ng ₱750-milyong QRF para sa AFP noong 2018, na ginamit para sa rescue operations, logistics, at post-disaster response. Ngunit makalipas ang ilang taon, hindi na ito naisama sa mga susunod na budget kahit patuloy na tumatanggap ng QRF ang ibang frontline agencies.

Binigyang-diin niya na ang AFP ang isa sa mga unang rumesponde tuwing may bagyo, lindol, o pagguho ng lupa, kaya dapat may agarang pondo itong magagamit. “Bakit hindi ang Armed Forces?

Sila ang frontliners,” aniya, sabay sabing makatutulong ang sariling QRF ng AFP upang mas mapabilis ang pagdating ng kagamitan, tauhan, at tulong sa mga apektadong komunidad.

Kinuwestiyon din ni Legarda kung gaano kalaki sa kinikita ng BCDA ang napupunta sa AFP, lalo na’t maraming mahalagang lupain ng militar ang na-convert na sa mga nakalipas na taon. Giit niya, dapat magkaroon muna ng malinaw na inventory at audit ng mga remittances bago talakayin ang anumang panukala kaugnay ng mandato o corporate life ng BCDA. “Pag-aari nila ’yan, kaya dapat ibigay sa kanila,” ani Legarda.

Ipinunto rin ng senadora ang matagal nang suliranin sa lupang pag-aari ng AFP, kung saan maraming kampo ang bukas sa encroachment at kinakaharap ang mga isyu sa overlapping claims ng pribadong titulo, ancestral domain, protected areas, at lokal na pamahalaan. Aniya, nakaaapekto ito sa seguridad ng mga kampo sa gitna ng lumalalang banta mula sa labas.

Iminungkahi rin ni Legarda na pag-aralan ng defense establishment ang paggamit ng military reservations para sa environmental programs at carbon credit trading, na maaaring pagkunan ng dagdag na pondo para sa AFP modernization.

Dagdag niya, ang mas mabilis na access ng AFP sa disaster funds ay makatutulong sa mga lalawigang madalas tamaan ng kalamidad at sa mga siksik na urban poor communities, kung saan regular na tumutulong ang mga sundalo sa evacuation, road clearing, at paghahatid ng relief.