Khonghun

RALLY NG KOJC BINATIKOS NG KAMARA

Mar Rodriguez Mar 19, 2024
45 Views

BINANATAN ng liderato ng Kamara de Representantes ang ginanap na prayer rally sa Maynila na dinaluhan ng mga tagasuporta ni Kingdom of Jesus Christ (KPJC) founder Pastor Apollo C. Quiboloy.

Sa press conference sa Kongreso, sinabi ni Zambales Representative Jefferson Khonghun na kakaibang prayer rally ang napanood ng publiko dahil puro mura, poot at masasakit na salita ang binitawan ng mga personalidad.

Hindi aniya katanggap-tanggap sa lipunan ang kabastusang lumalabas sa bibig.

Ang maganda umano rito ay hindi pinapatulan ng administrasyong Marcos ang pambabatikos na nagmula sa naturang prayer rally.

Iginiit din ni 1-RIDER Party-list Representative Rodge Gutierrez na hindi magandang tingnan ang pag-promote ng karahasan at pananakit sa mga babae kaya tama lang na isinusulong ang pagbawi sa prangkisa ng Sonshine Media Network International.

Punto naman ni House Deputy Speaker Jay-Jay Suarez, sa halip na pangaral at pagdarasal ay wala siyang ibang narinig sa prayer rally kundi “distractions” at ingay na hindi nakakatulong sa pag-unlad ng bansa.