Rannie Taymundo at Lance Raymundo Rannie Taymundo (kanan) at kapatid na si Lance Raymundo

Rannie Raymundo magbabalik sa TV series

Eugene Asis Sep 20, 2024
130 Views
WPS
Cast at producer, Dr. Mike Aragon (dulong kaliwa), ng ‘WPS’

NAKATUTUWANG makitang muli si Rannie Raymundo, isa sa itinuturing na malaking music icon noong dekada nubenta hanggang early 2000s. But this time, hindi para sa isang musical concert tulad nang huli namin siyang nakausap, kundi para sa isang TV series.

“Marami na akong tinanggihang acting projects,” ani Rannie. “Pero ito, hindi ko matanggihan dahil sa ilang bagay.”

Kung tutuusin, hindi na kailangan pang magtrabaho ni Rannie bilang singer o actor dahil sa totoong buhay, isa siyang matagumpay na businessman.

Ang naturang project kung saan kasama si Rannie ay ang “West Philippine Sea” o WPS, isang series na mapapanood sa iba’t ibang plataporma, na maglalahad ng maraming kuwento, na hango sa mga totoong nangyayari sa nabanggit na bahagi ng ating bansa.

“Advocacy project ito ng kaibigan nating si Dr. Mike (Aragon),” paliwanag ni Rannie. “Mahirap tanggihan kasi nga, para ito sa ating bansa. Nagbibigay ito ng awareness sa mga manonood, ng mas malalim na pang-unawa sa mga karapatan at responsibilidad nating mga Pilipino. Layuning ipaliwanag ng programang ito ang mga dahilan kung bakit kailangan nating ipaglaban ang bahaging ito, at bakit hindi tayo dapat pumayag na baligtarin ng mga may interes dito ang katotohanan.”

Hindi naman ito hard sell na advocacy, aniya, kundi idadaan ito sa pagsasadula ng maraming kuwentong nakapaligid dito, ng mga tunay na struggle ng mga tao, ng mga Pilipino, mangingisda man o karaniwang tao.

Ang ikalawang dahilan kung bakit hindi ito natanggihan ni Rannie ay dahil sa kanyang kapatid na si Lance Raymundo. “Hindi ko lang siya kapatid,: ani Rannie. “He’s my best buddy. My gym buddy. Mula pagkabata, kami na ang magkasama. At nakikita ko rin ang passion niya bilang singer at aktor. Kaya sabi ko, kung gagawa ako ng isang acting project, dapat kasama ko ang kapatid ko.”

Isa ang ka n yang kapatid na si Lance sa mga gaganap ng mahalagang papel sa “West Philippine Sea” na nasa ilalim ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) film division ni Dr. Michael ‘Mike’ Aragon. Kasama rin dito sina Ayana Misola (na nakilala sa ilang maiinit na pelikula ng Vivamax), Jeric Raval, Ali Forbes, Daiana Meneses, Lala Vinzon at marami pang iba.

Ayon kay Rannie, kung mabibigyan pa siya ng mga ganitong project na may katuturan, bukas na bukas siya para iwan saglit ang pagnenegosyo.