Rape suspek

Rape suspek na nagkaanak sa biktima arestado

Edd Reyes Sep 14, 2024
36 Views

ISANG suspek sa panghahalay ang nahulog sa kamay ng mga pulis sa Rizal matapos ang mahabang panahon ng paghahanap sa kanya.

Natunton ng mga pulis-Valenzuela ang akusadong si alyas Edsil, 45, sa Lipat-lipat, Sitio Tabaco, Brgy Hulo, Pililla, Rizal dakong alas-10:50 ng gabi matapos ang matagal na paghahanap sa kanya.

Ayon kay P/Col. Nixon Cayaban, hepe ng Valenzuela police, sinimulan ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ang patugis kay Edsil dahil sa warrant of arrest laban sa kanya.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Cayaban na nagsimula ang panghahalay ng akusado sa biktimang si alyas Jessa noong Setyembre 5, 2012 at 15-anyos pa lamang ang biktima.

Nasundan pa ang panghahalay ng akusado na naging dahilan upang magdalantao at magsilang ng sanggol ang dalagita na ngayon ay 11-taong gulang na at naninirahan sa Zamboanga del Norte.

Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Valenzuela police ang akusado habang hinihintay pa ang kautusan ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.