Kamara Kamara

Ratipikasyon ng P6.3T badyet prayoridad ng Kamara sa pagbubukas ng sesyon

Mar Rodriguez Nov 3, 2024
83 Views
Kamara
Source: FB

SA muling pagbubukas ng sesyon simula sa Lunes, pangunahing prayoridad ng Kamara de Representantes ang ratipikasyon ng panukalang P6.352 trilyong badyet para sa 2025 bago matapos ang taon.

Ayon kay Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe inaasahan ng Kamara na matatapos ng Senado ang bersyon nito ng panukalang badyet upang matalakay na ito sa bicameral conference committee at mabuo na ng bersyon na raratipikahin ng dalawang kapulungan.

“We hope to ratify the bicam report before our Dec. 20 Christmas break. There is enough time to approve the final version of the budget,” ani Dalipe.

Tiniyak ni Dalipe sa bansa na maihahanda ang panukalang badyet para malagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago matapos ang 2024.

“As in the past, the spending program for the coming year will be in place before the current fiscal year is over to ensure continuity of spending and seamless implementation of activities and programs,” sabi ni Dalipe.

Ayon kay Dalipe ang panukalang badyet ang isa sa pinaka-importanteng panukala na ipinapasa ng Kongreso taun-taon.

Bukod sa panukalang badyet, sinabi ni Dalipe na patuloy na gagampanan ng Kamara ang oversight function nito sa pamamagitan ng mga pagdinig ng iba’t ibang komite gaya ng Quad Comm, Good Government and Public Accountability, at Quinta Comm na binuo noong Setyembre.

“We remain steadfast in protecting our people from abuses and in exposing acts of wrongdoing in government,” dagdag pa ni Dalipe.

Ayon kay Dalipe magsasagawa ang Quad Comm ng mga pagdinig kaugnay ng madugong war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagresulta sa maraming kaso ng extrajudicial killings, sa kalakalan ng iligal na droga at operasyon ng iligal na Philippine offshore and gambling operators (POGO).

Ang Quad Comm ay magsasagawa ng ika-10 pagdinig nito sa Nobyembre 7 at inaasahan na tutuparin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinaabot na mensahe sa abugado nito na siya ay dadalo.

Sinabi ni Dalipe na magpapatuloy din ang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa kinukuwestyong paggamit ng daan-daang milyong confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Ang Quinta Comm naman ay magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng smuggling at price manipulation sa mga pangunahing bilihin upang maprotektahan ang publiko laban sa hindi makatwirang pagtataas, ani Dalipe.

Bukod sa panukalang 2025 badyet ng gobyerno, sinabi ni Dalipe na magtatrabaho rin ang Kamara upang maipasa ang mga nalalabing LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council) priority bills gaya ng Budget Modernization Bill, National Defense Bill, amyenda sa Agrarian Reform Law, at amyenda sa Foreign Investors’ Long-Term Lease.

Ayon kay Dalipe natapos na ng Kamara ang 26 sa 28 panukala na prayoridad na maisabatas ng LEDAC bago matapos ang 19th Congress sa Hunyo 30, 2025. Ang nalalabi na lamang ay ang amyenda sa Agrarian Reform Law at amyenda sa Foreign Investors Long-Term Lease.

Sa 24 na natapos na ng Kamara, anim ang nilagdaan na ni Pangulong Marcos: ang amyenda sa Government Procurement Reform Act (Republic Act No. 12009), Anti-Financial Accounts Scamming Act (RA 12010), amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act (RA 12022), VAT on Digital Transactions (RA 12023), Self-Reliant Defense Posture Act (RA 12024) , at Academic Recovery and Accessible Learning Program (RA 12028).

Apat naman ang naipadala na sa Pangulo para sa kayang lagda: ang CREATE MORE Bill, Philippine Maritime Zones Act, Archipelagic Sea Lanes Bill, at Enterprise-Based Education and Training Program Bill.

Sa loob ng 166 session days mula ng magsimula ang 19th Congress noong 2022, sinabi ni Dalipe na naiproseso ng Kamara ang 4,504 panukala o average na 27 kada araw. Sa mga panukalang ito, 103 na ang naisabatas.