Recto

Recto nangakong tututukan mabuting pamamahala

180 Views

NAGPASALAMAT si Finance Secretary Ralph G. Recto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos siyang italaga bilang bagong Executive Secretary, na tinawag niyang isang malaking karangalan na kaakibat ang mabigat na pananagutan. Inilabas ni Recto ang kanyang pahayag noong Nobyembre 17 matapos ang anunsyo ng Malacañang.

Mariin niyang tinutulan ang tawag na “Little President,” at iginiit na iisa lamang ang Pangulo ng bansa. “Unang-una, hindi ako sang-ayon sa tawag na ‘Little President.’ Isa lang ang presidente.

Kailangan nating iwaksi ang ideyang ang Executive Secretary ay may mythical awesome powers,” ani Recto.

Ipinahayag niya ang direktiba ng Pangulo: tutukan ang mabuting pamamahala, bantayan ang performance ng mga departamento, at tiyaking nakakapagtrabaho ang mga ahensya nang hindi naaabala ng ingay sa politika. “Simple lang ang marching order. Tumutok sa governance. I-monitor ang performance ng mga departamento at i-maximize ang outputs nila. Siguraduhin na ang mga ahensya ay gumagawa ng kanilang trabaho at tinutupad ang kanilang pangako sa taumbayan. Nakikita ko ang papel ko bilang taong bahay,” aniya.

Sinabi rin niya na sadyang iiwasan niya ang limelight upang maging epektibo. “Hindi ako hahabol ng headlines kundi ng deadlines. Handa akong ilubog ang sarili ko sa paperwork. Basahin ang fine print para matiyak na ang mga polisiya bago makarating sa mesa ng Pangulo ay properly vetted at malinaw sa pagpapatupad,” ani Recto. “Hindi ako maghahabol ng likes, shares, at views.

Mas pipiliin kong maging workhorse kaysa showhorse.”

Pinuri rin niya ang nagbibitaw na Executive Secretary Lucas Bersamin, na tinawag niyang mentor at may “wisdom for the ages” at kabutihang-asal ng isang tunay na ginoo.

Wala pang pinal na petsa kung kailan pormal na uupo si Recto bilang Executive Secretary.