Dy

Refund sa mga estudyante na bumili ng ticket online iginiit

Mar Rodriguez Apr 3, 2023
427 Views

DAHIL dadagsa ang mga pasahero sa iba’t-ibang terminal para magtungo sa kani-kanilang lalawigan ngayong panahon ng Semana Santa. Iginigiit ng isang Northern Luzon solon na kailangan mabigyan ng refund ang mga pasaherong estudyante na bumili ng ticket sa online.

Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V na dapat magkaroon ng refund ang mga estudyante na bumili at nagbayad ng ticket sa pamamagitan ng online transactions alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 11314 o Student Fare Discount Act.

Binigyang diin ni Dy na para mabigyan ng refund ang isang pasaherong estudyante ay kailangan aniya nitong ipakita o i-presenta ang kaniyang school ID sa mga terminal. Habang ang hindi naman pagbibigay ng refund sa mga estudyante at magiging taliwas sa isinasaad ng RA No. 11314.

“Dapat ma-refund ang mga estudyante na nagbayad ng full fare dahil sa online booking kapag nakapag-presenta na sila ng kanilang school ID sa terminal. Otherwise, this would be an uneven application of the law which excludes those who by choice or circumstances purchase their ticket online,” sabi ni Dy.

Inihayag din ni Dy na may ilang transport companies ang lantarang hindi nagbibigay fare discount para sa mga estudyante na bumili ng ticket online. Kung saan, ang ikinakatuwiran umano ng mga transport companies ay hindi kasama sa pagbibigay nila ng discount na nabili online.

“In fact, some companies even explicitly state that ticket that have been brought online are not eligible for discount because these transport companies have not been extending the discount to students who avail of online tickets,” dagdag pa nito.

Binigyang diin ng kongresista na walang sinasabi o isinasaad ang RA No. 11314 na ang mga ticket na nabili sa online o sa pamamagitan ng online booking ay exempted sa mandated 20% discount para sa mga estudyante.