Ridon

Rekisito sa due process sa orihinal na desisyon sa impeachment tinanggal ng Korte Suprema

129 Views

SINABI noong Huwebes ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon na inalis na ng Korte Suprema (SC) ang pinakamahihigpit na rekisito sa due process na itinakda nito sa orihinal na desisyon hinggil sa proseso ng impeachment sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Ridon, sa pagresolba ng Mataas na Hukuman sa mosyon para sa muling pag-isip (motion for reconsideration) ng nauna nitong pasya, muling inayos ng Korte ang paninindigan nito at nagpatibay ng mga pamantayang mas praktikal at mas naaayon sa Konstitusyon.

“Sa pagresolba ng Korte Suprema sa Motion for Reconsideration (MR) ng nauna nitong desisyon kaugnay ng proseso ng impeachment sa Kamara, epektibong inalis nito ang pinakamahihigpit na rekisito sa due process na ipinataw sa orihinal na desisyon,” ani Ridon.

Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng orihinal na pasya, inatasan ng Korte na bigyan ang respondent ng kopya ng draft Articles of Impeachment at ng pagkakataong makapagpaliwanag bilang bahagi ng panloob na proseso ng Kamara.

“Sa orihinal na desisyon, inatasan ng Korte na bigyan ang respondent ng mga kopya ng draft Articles of Impeachment at pagkalooban ng pagkakataong makapagbigay ng tugon bilang bahagi ng panloob na proseso ng Kamara,” ani Ridon.

Gayunman, sinabi niya na inalis ng desisyon sa MR ang mga rekisitong ito sa nasabing yugto ng proseso.

“Sa desisyon sa MR, hindi na inaatasan ng Korte na bigyan ang respondent ng kopya ng reklamo o ng draft Articles of Impeachment, ni bigyan ng pagkakataong tumugon sa yugtong ito,” dagdag niya.

Sa halip, ayon kay Ridon, naglatag ang Korte Suprema ng binagong balangkas para sa pagtalakay ng Kamara sa mga reklamong impeachment.

“Sa halip, ang desisyon sa MR ay naglatag na ngayon ng mas praktikal at mas angkop sa Konstitusyong pamantayan para sa Kamara,” ani Ridon. Kabilang dito ang pagbibigay sa mga miyembro ng Kamara ng draft Articles of Impeachment at mga kaukulang ebidensiya, ang pagtiyak na ang ebidensiya ay tumutugon sa kinakailangang antas ng patunay, at ang pagtiyak na sa panahon ng deliberasyon sa plenaryo, ang mga ebidensiya ay magagamit ng lahat ng miyembro ng Kamara “bilang batayan at gabay sa kanilang pagpapasya sa reklamo.”

Sinabi ni Ridon na ibinabalik ng desisyon ang linaw sa konstitusyonal na papel ng Kamara sa mga paglilitis sa impeachment.

“Ang desisyong ito sa MR ay nagbabalik ng linaw sa konstitusyonal na papel ng Kamara sa impeachment,” ani niya.

Dagdag pa niya, kinikilala ng desisyon na ang impeachment ay isang prosesong pampulitika at konstitusyonal na ipinagkatiwala sa lehislatura.

“Kinikilala nito na ang impeachment ay isang prosesong pampulitika at konstitusyonal na ipinagkatiwala sa lehislatura, at dapat pahintulutan ang Kamara na suriin ang mga reklamo batay sa mga ebidensiyang magagamit ng mga miyembro, alinsunod sa mga panloob na patakaran at sa mga rekisitong itinakda ng Konstitusyon,” ani Ridon.

Tiniyak din ni Ridon na nananatiling nakatuon ang Kamara sa pagsasagawa ng mga paglilitis sa impeachment batay sa mga katotohanan at prinsipyong konstitusyonal.

“Nanatiling ganap na nakatuon ang Kamara sa pagtiyak na ang mga paglilitis sa impeachment—kapag ito ay nararapat—ay nakabatay sa mga katotohanan, ebidensiya, at prinsipyong konstitusyonal,” ani Ridon.