Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega

Reklamo vs 2025 budget ‘diversionary tactic’ sa impeach VP Sara isyu

25 Views

DIVERSIONARY tactic ang tingin ng mga kongresista sa plano ng mga kaalyado ni Vice President Sara Duterte na maghain ng reklamo laban sa mga lider ng Kamara de Representantes kaugnay ng 2025 national budget.

Ayon kina Deputy Majority Leader Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, ang planong paghahain ng reklamo kina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe at dating pinuno ng Appropriations panel na si Zaldy Co kaugnay ng alegasyon ng budget insertions sa 2025 national budget ay isa lamang pamumulitika at layuning pahinain ang liderato ng Kamara.

“Walang basehan ang mga ito, another fantasy at fiction. Obvious na layunin nitong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa tunay na isyu — ang impeachment trial ni VP Duterte,” ayon kay Ortega.

“Huwag nilang gawing panakip-butas si Speaker Romualdez para takasan ang pananagutan,” saad pa ng mambabatas mula sa La Union.

Sinabi naman ni Khonghun na ang mga alegasyon laban sa Speaker ay isa lamang pagtatangkang siraan ang malaking suporta ng Kamara sa impeachment laban kay Duterte.

“This is nothing more than a desperate move to discredit the impeachment process,” ayon kay Khonghun.

“Speaker Romualdez has been instrumental in ensuring that the rule of law is followed, and now he is being targeted to weaken the case against VP Duterte,” saad pa ng mambabatas.

Kahina-hinala rin ayon kay Khonghun ang timing ng ibinabatong isyu laban kay Speaker Romualdez na lumutang makaraang dalhin na sa Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte.

“Napaka-timing naman ng mga issue na ito. Nang maipadala na sa Senado ang impeachment complaint, biglang may ganitong aksyon laban kay Speaker Romualdez. Malinaw na diversionary tactic ito,” wika ni Khonghun.

Ang impeachment complaint laban kay Vice President Duterte ay isinampa batay sa umano’y katiwalian kaugnay ng confidential funds. Inendorso ito ng 215 mambabatas.

Bukod dito, may 25 pang kongresista na nagpadala ng kanilang beripikasyon upang maging complainant sa impeachment laban sa Bise Presidente, kaya halos 80 porsiyento na ito ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Kamara, na nagpapakita na solido ang suporta sa reklamo.

Nagbabala naman si Ortega sa mga nagtatangkang harangin ang impeachment trial sa pamamagitan ng mga politically motivated complaint, na tiyak din umano na babalik sa kanila.

“Kung inaakala nilang madidiskaril nila ang impeachment trial sa pamamagitan ng ganitong mga taktika, nagkakamali sila. Mas lalo lang nilang ipinapakita na takot silang humarap sa katotohanan,” giit ni Ortega.

Panawagan naman ni Ortega sa Senado na manatiling independiyente at huwag magpadala sa anumang panlabas na impluwensya na maaaring makaapekto sa impeachment trial.

“The Senate must not be swayed by political distractions. The people demand transparency and accountability, and they will not be fooled by these diversionary tactics,” giit pa ng kongresista.

Sa nalalapit na impeachment trial, binigyang-diin ni Khonghun ang kahalagahan ng pagtutok sa mga paratang laban kay Duterte at ang pagsiguro ng isang makatarungan at malinaw na proseso.

“Ang tunay na laban dito ay hindi ang laban ng mga politiko kundi ang laban para sa katotohanan at hustisya. Hindi ito dapat maikubli ng anumang diversionary tactic,” wika naman ni Khonghun.