News

Reklamo vs nanloob sa bahay ni Teddy Corpuz isasampa na

24 Views

PINASOK ng kawatan ang bahay ng singer-TV host na si Teddy Corpuz sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City at tinangay ang ilang personal niyang gamit.

Batay sa ulat ng QCPD, madaling-araw ng Mayo 3 nang pasukin ng suspek ang tahanan ng celebrity matapos umanong umakyat sa second-floor terrace at pilit na buksan ang bahay.

Nakuha umano ng suspek ang ilang personal na gamit bago mabilis na tumakas papunta sa hindi pa matukoy na direksiyon.

Nag-viral naman sa social media ang CCTV footage na ibinahagi ni Corpuz sa kanyang TikTok account kung saan malinaw na nakita ang galaw ng suspek habang isinasagawa ang panloloob.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Holy Spirit Police Station 14 matapos i-report ang insidente noong Mayo 4.

Nakatulong sa imbestigasyon ang tracking feature ng nawawalang Apple iPad ng biktima na huling na-detect sa Doña Isidora Street sa parehong barangay.

Sa pakikipag-ugnayan ng mga operatiba sa isang Purok Leader, positibong nakilala ang suspek na residente rin ng Brgy. Holy Spirit.

Lalo pang tumibay ang pagkakakilanlan sa suspek matapos kumpirmahin ng kanyang ina na ang lalaking nasa CCTV footage ay kanyang anak.

Sa beripikasyon ng pulisya, lumabas na may dati nang rekord ang suspek noong 2018 kaugnay ng kasong robbery at paglabag sa Republic Act No. 10591.

Agad namang nagkasa ng manhunt operation ang QCPD para sa agarang pagkadarakip ng suspek.

Kasalukuyan nang inihahanda ang reklamong paglabag sa Article 299 ng Revised Penal Code o Robbery in an Inhabited House laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Samantala, tiniyak ng Quezon City Police District na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga kriminal upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.