Pic Nagre-repack ang volunteers sa Tingog Community Center sa Tacloban City ng mga essential goods na inihanda ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte at ng Tingog Party-list para sa agarang pamamahagi sa mga komunidad sa Eastern Visayas na maaaring maapektuhan ng Bagyong Uwan.

Relief goods para sa EV hinanda na ni Romualdez, Tingog bago dumating si Bagyong Uwan

376 Views

Pic1Pic2Pic3Pic4Pic5INIUTOS ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng Leyte, sa pakikipagtulungan sa Tingog Party-list, ang prepositioning ng relief goods para sa kanyang distrito, probinsiya at iba pang bahagi ng Eastern Visayas bilang paghahanda sa Bagyong Uwan, kasabay ng paggunita sa ika-12 anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda nitong Sabado.

Ang mga boluntaryo at staff mula sa Tingog Community Center sa Tacloban City ay walang tigil sa pagre-repack ng food packs at essential commodities para sa agarang deployment sa mga komunidad na inaasahang matinding tatamaan ng paparating na bagyo.

“The relief goods are prepositioned here at the Tingog Community Center,” ani Romualdez.

Ayon kay Tingog Rep. Jude Acidre, kabilang sa mga nakahandang gamit ay 400 sako ng bigas (25 kilo bawat isa); tig-80 kahon ng kape, noodles at de-lata; 50 kahon ng Energen cereal drink; at 50 kahon ng assorted biscuits ― nakahanda para sa mabilis na pamamahagi sa mga pamilyang maaapektuhan kapag tumama ang Bagyong Uwan.

“Where these will be delivered will depend on which municipalities will be affected by the typhoon, in coordination with the Office of Civil Defense and our local government units,” sinabi ni Acidre.

Ayon kay Romualdez, ang hakbang na ito ay nagpapakita ng pangako ng Tingog sa maagap na disaster preparedness at mabilis na humanitarian response.

“We have learned from the painful lessons of Yolanda,” pahayag ni Romualdez. “That is why we are ensuring that relief goods are ready and strategically positioned ahead of time so we can respond immediately to our people’s needs.”

Muling nanawagan si Romualdez at ang Tingog Party-list sa publiko na manatiling mapagmatyag at sundin ang opisyal na mga update sa panahon, habang patuloy na lumalakas ang Bagyong Uwan at papalapit sa rehiyon ng Visayas.

“I call on everyone to stay vigilant and united to ensure zero casualties,” dagdag niya. “Let us continue working closely with our local governments and agencies, follow official advisories, and always put safety first.”

Batay sa pinakahuling advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ilang lugar sa Eastern Visayas ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signals nitong Sabado dahil sa paparating na Bagyong Uwan.

Itinaas ang Signal No. 2 sa Northern Samar at hilagang bahagi ng Eastern Samar, kung saan inaasahan ang malalakas na hangin at matinding pag-ulan sa loob ng susunod na 24 oras.

Samantala, nananatiling nakataas ang Signal No. 1 sa natitirang bahagi ng Samar at Eastern Samar, gayundin sa Biliran, Leyte at Southern Leyte, na maaaring makaranas ng katamtaman hanggang malakas na hangin at pabugso-bugsong ulan habang papalapit ang bagyo sa rehiyon.